15 patay sa overloaded jeep na nahulog sa bangin sa Kalinga

LA TRINIDAD, BENGUET – Isang pampasaherong jeepney na lulan ng 50 katao, na karamihan ay mga senior citizens, na kumuha ng kanilang pension, ang nahulog sa bangin na agad ikinamatay ng 13 katao at ikinasugat ng 25 pa, sa Balbalan, Kalinga, noong Martes (Setyembre 11) ng hapon.
Umabot na sa dalawa ang namatay sa pagamutan ayon sa pinakahuling ulat noong Setyembre 15.
Nabatid kay Chief Inspector Richard Gadingan, information officer ng Kalinga Provincial Police Office, sakay ang 50 katao ng isang pampasaherong jeepney na minamaneho ni Francisco Gumaad Jr., mula sa Poblacion Balbalan, dakong 2:30 ng hapon patungong Barangay Dao-angan, nang biglang mamatay ang makina nito at mawalan ng kontrol hanggang sa mahulog sa bangin.
Ang mga nakumpirmang namatay ay kinilalang sina Victorino Banglagan, 67; Soledad Dammay, 70; Eliza Amoga, 70; Rosario Badong, 65; Isabel Bagni, 67; Agida Palangdao, 62; Lolita Latawan, 68; William Gamongan, 65; Leolita Maday, 72; Angelina Benito, 62; Benjamin Badong, 68; Terresa Dulansi, 70; at Annie Baluga, 45; samantalang namatay naman sa ospital ang biktimang si Martin Canao, 67.
Sa imbestigasyon, dakong ika-8 ng umaga ay inarkila ng mga pasahero ang drayber na si Gumaad Jr. para masakyan ang jeep nito na may plakang WRR-535, mula sa Barangay Dao-angan, patungong munisipyo ng Balbalan, para kunin ang kani-kanilang social pension mula sa Department of Social Welfare and Development Office.
Umalis ng Poblacion ang mga biktima dakong 1:30 ng hapon pabalik sa kanilang barangay. Pinagsabihan pa ng drayber ang mga nakasakay sa bubong ng jeep na lumipat sa loob, subalit hindi siya pinansin. Habang tinatahak ang sharp curve ng Sitio Binalagan ay biglang namatay ang makina ng sasakyan at nawalan ng kontrol hanggang sa mahulog ito sa 80 metrong lalim ng bangin.
Mabilis na nagresponde ang Balbalan local government unit volunteers, PNP, BFP at 50th Infantry Battalion, 5th Infantry Division at naisugod sa Kalinga Western District Hospital ang mga sugatan na sina  Arnel Banglagan, 45; Anna Bagwingan, 75; Laika Barbosa, 4; Imelda Cuzon, 52; Manuel Banguingan, 70; Caridad Palicas, 72; Jennifer Esteban, 40; Irene Dammay, 60; Pedro Maday, 82; Agida Palangdao, 42; Lolita Gullipis, 77; Mercedez Lingbao, 62; Joselyn Gannisi, 64; Conchita Canao, 61; Socorro Naganag, 56; Sonia Barbosa, 44; Necita Daggay, 61; Concordia Manadao, 61; Bartolome Balcanao, 85; Patricio Maday, 66; Edmund Duguit, 45; Mariano Palicas, 70; Nanette Gamongan, 61; Leonarda Dumaguing, 69; at Gumaad Jr., 36.
Kasalukuyan pang kinukumpirma ang pangalan ng isang namatay habang ginagamot. ZALDY COMANDA / PRIMO AGATEP / ABN

Amianan Balita Ngayon