55 nanalong barangay officials, posibleng masibak sa puwesto

LUNGSOD NG BAGUIO – Posibleng hindi makaupo at tuluyang ma-disqualify ang  55 barangay officials na nanalo sa nakaraang barangay elections, kaugnay sa hindi nila pag-file ng Statements of Contributions and Expenses (SOCE) sa loob ng 30 araw matapos ang halalan.
Ang pagsusumite ng SOCE ay nagtapos noong Hunyo 13.
Ang mga hindi nag-file ng SOCE ay kinabibilangan ng 1 punong barangay, 11 barangay kagawad, 3 SK chairmen, at 40 SK kagawad.
Nabatid mula sa Commission on Elections-Baguio, mula sa 128 barangay ng lungsod ay 2,129 ang nag-file ng candidacy para sa barangay, samantalang 416 naman sa Sangguniang Kabataan, sa kabuuang 2,545 candidates.
Sa nasabing bilang ay 1,785 lamang ang nag-file ng SOCE sa barangay posisyon o 83.84 porsyento at 302 naman sa SK o 72.6 porsyento, na may kabuuang bilang na 2,087 winning and losing candidates.
Lumitaw na may kabuuang 458 ang hindi nag-file ng SOCE, na kinabibilangan ng 344 mula sa barangay officials at 114 naman sa SK positions.
“Malaki ang bilang na ito at alam naman ng bawat kandidato ang kanilang obligasyon na mag-file ng SOCE, nanalo man o natalo. Ito ay batas at isang buwan ang naging palugit para dito, kaya walang dahilan o malalim na dahilan para kaligtaan nila ito,” pahayag ni Baguio-Comelec Election Officer Atty. John Paul Martin.
Ayon kay Martin, isusumite nila sa Department of Interior and Local Government (DILG) ang listahan ng mga nanalong barangay at SK officials para ipatupad ang nakasaad sa Section 14 ng Republic Act 7166.
Aniya, sa mga natalong kandidato naman na hindi nag-file ng SOCE sa unang pagkakataon ay mapapatawan ng penalties at kung dalawang beses nang hindi nag-file, nanalo man o natalo ay disqualified agad at hindi na puwedeng kumandidato at makapuwesto sa anumang posisyon sa gobyerno.
“Ang campaign finance office ng COMELEC, ang nakatutok para tignan ang mga kandidato na hindi nag-file ng SOCE. Bago pa man ang barangay election ay nai-published sa Comelec website noong Abrl 13,2018,  ang mga na-disqualify na kandidato na dalawang beses o magkasunod na hindi nag-file ng SOCE,” pahayag pa ni Martin.
Ayon pa kay Martin, wala silang kakayahan para sa extension ng filing ng SOCE, dahil wala din ito sa batas at tanging Comelec en banc lamang ang magdedesisyon sa lahat ng mga usaping ito. “Antayin na lang natin kung ano ang magiging desisyon mula sa central office, kaugnay sa status ng mga barangay official na hindi nag-file ng SOCE.”
Inihalimbawa nito ang tatlong nanalong barangay official, pero hindi nakapag-file ng SOCE. Tapos na ang deadline, kaya hindi nila tinanggap. Nagtungo sila sa Comelec national office at tinanggap ang kanilang SOCE, pero tinatakan lamang ito ng late filing at hindi binigyan ng Certificate of Compliance.
“Mahalaga ang Certificate of Compliance, na ibinigay namin sa mga kandidato na personal na naghain ng SOCE, dahil ito ang magiging basehan ng DILG sa isang barangay official, kung nag-file siya ng SOCE,” dugtong pa ni Martin.
Samantala, walong barangay naman ang walang SK chairman o kagawad na naghain ng kanilang kandidatura, kaya’t nasa disposition na ng mga barangay officials na mag-appoint ng kuwalipikadong SK representatives, bago ito aprubahan ng DILG at city mayor.
Ang mga barangay na walang SK ay ang Malcom Square, Campo Filipino, Rizal Monument, Guisad-Surong, Guisad-Central, Hillside, Sta. Escolastica at Sto. Rosario.
Ang mga nanalong barangay officials para sa 2018-2020 ay nakatakdang manumpa kay Mayor Mauricio Domogan sa Hunyo 29 sa city hall ground at kinabukasan ay magsisimula na ang kanilang serbisyo sa komunidad. ZALDY COMANDA / ABN

Amianan Balita Ngayon