LA TRINIDAD, Benguet – Arestado ang limampu’t pitong indibidwal na pinaghahanap ng batas sa isang linggong pinaigting na manhunt operation na isinagawa ng Police Regional Office-Cordillera mula Mayo 22 hanggang 28 sa rehiyon.
Naitala ng Regional Investigation and Detective Management Division (RIDMD), ang Baguio City Police Office ang may pinakamataas na bilang ng mga naaresto na may 26 na wanted, na sinundan ng Kalinga PPO na may 12; Benguet PPO na may siyam; Ifugao PPO na may lima; Abra at Apayao PPO na may tigdalawang arestuhin at isa sa Mountain Province.
Ang serye ng manhunt operations ay nag-resulta sa pagkakaaresto sa 11 indibidwal na nakalista bilang Most Wanted Persons, kung saan, apat ang nakalista sa Provincial Level, dalawa sa Municipal Level, isa sa City Level at apat sa Station Level.
Sa Provincial Level, inaresto sina Julio Okao, Vicente Salibad, at Richard Diwayan, na nakalista bilang No. 1, 2 at 3, ayon sa pagkakasunod, dahil sa krimen ng Murder. Lahat ay inaresto ng mga pulis ng Kalinga Police Provincial Office.
Bukod pa rito, si John Miranda, na nakalista bilang No. 8, ay inaresto para sa krimen ng Homicide ng mga tauhan ng Benguet PPO.
Sa Municipal Level, si Cesar Angoluan, na nakalista bilang No. 1 ay inaresto ng Ifugao PPO dahil sa paglabag sa Presidential Decree 705 o ang Revised Forestry Code of the Philippines, habang si Adrian Dave Tagura, na nakalista bilang No. 5, ay inaresto ng Abra PPO para sa paglabag sa Republic Act 8353 o ang Anti-Rape Law of 1997.
Sa City Level, si Michael Angelo Impel, na nakalista bilang No. 2, ay inaresto ng Baguio CPO dahil sa krimeng Rape at Sexual Abuse ng RA 7610. Panghuli, sa Station Level, naaresto si Jacob Tan, na nakalista bilang No. 6 para sa krimen ng Qualified Theft through Falsification of Commercial Document; Armi Liguid, nakalista bilang No. 7; Sina Marilyn Mateo at Mario Liguid, parehong nakalista bilang No. 8 para sa krimen ng Estafa ay pawang inaresto ng Baguio CPO.
Zaldy Comanda/ABN
May 11, 2025
May 11, 2025
May 11, 2025