59K undernourished na bata sa Rehiyon 1 puntirya ng feeding program

Provincial

LUNGSOD NG BAGUIO – Puntirya ng supplementary feeding program (SFP) ng Department of Social Welfare Development (DSWD) para sa calendar year 2022-2023 na mabenipisyuhan ang 59,437 undernourished ng mga bata edad tatlo hanggang apat na taong gulang sa Regiyon ng Ilocos.

Sa isang panayam sa telepono noong Huwebes (Nobyembre 18) ay sinabi ni DSWD Ilocos Region nutritionist dietitian SFP Gretchen Quiñones na bawat bata ay sasailalim sa programa para sa 120 araw na may budget allocation na PhP1,800 kada bata para sa kanilang karagdagang pagkain.

Sa kabuuang bilang ng benepisaryo, 650 ay mula sa Ilocos Norte, 1,960 mula Ilocos Sur, 1,255 mula La Union, at 55,572 mula sa Pangasinan na siyang pinakamalaking probinsiya sa rehiyon.

“Only the local government units (LGUs) under fifth and sixth class and all Pangasinan LGUs being under the priority areas are funded by DSWD for this program,” ani Quiñones.

Idinagdag niya na ang social services, kabilang ang SFP, ay bahagyang nakaatang sa mga LGU sa taong 2022, kung saan ang mga pondo mula sa pambansang gobyerno ay direktang mada-download sa mga LGU alinsunod sa Mandanas ruling.

Ang desisyon ng Korte Suprema (SC) sa kaso ng Mandanas ay tiyak na sinasabi na ang makatarungang bahagi ng mga LGU, na tinatawag din bilang internal revenue allotment (IRA), na dapat makompute base sa lahat ng pambansang buwis, at hindi lamang mula national internal revenue taxes (NIRT).

Noong nakaraang calendar year 2021-2022 ay may kabuuang 100,752 benepisaryo sa rehiyon.

Sa kabuuang bilang,11,928 ay mula sa Ilocos Norte, 18,527 mula Ilocos Sur, 15,745 mula La Union, at 54,552 mula sa Pangasinan.

Simula ng pandemya ay bumili ang DSWD ng mga produkto para sa SFP at ihahatid sa mga LGU na ipamamahagi sa mga benepisaryo.

Niliwanag ni Quiñones na ang SFP ay isang karagdagan lamang sa karaniwang tatlong beses isang araw na pagkain ng mga bata.

Samantala, nasa 4,975 undernourished na mga bata sa rehiyon ay tatanggap din sa pamamagitan ng programang milk feeding na may kabuuang badyet na PhP11.3 million.

(HA-PNA Ilocos/PMCJr.-ABN)