6 drug personality nasakote ng pulisya

LUNGSOD NG BAGUIO– Anim na drug personality ang sunodsunod na nasakote ng pulisya sa magkakahiwalay na lugar mula sa pinaigting na operasyon laban sa iligal na droga, ayon sa ulat ng Police Regional Office –Cordillera (PROCOR).
Kinilala ni PROCOR regional director Israel Dickson ang unang nadakip habang nagsasagawa ng pot session noong Miyerkules ng gabi, Mayo 29 sa may Bahingawan Building, Trading Post, Pico, La Trinidad, Benguet, na sina Christian Paicot Beneyat, 22, vegetable trader, tubong Mountain Province; Stepfen Oracion Lorenzo, 22, carrot washer, Melgar Toda Saltin, 26, farmer, kapuwa taga Buguias, Benguet at nakatira sa Km 5, Pico, La Trinidad, Benguet.
Nakumpiska sa kanila ang isang maliit na plastic sachet na naglalaman ng suspected shabu residue, sari-saring drug paraphernalia at isang Samsung mobile phone.
Ayon pa kay Dickson, nasakote naman sa isang buy-bust operation ang drug dealer na si Chester Bayacsan Kiblasen, 29, farmer, tubong Tanggawa, Poblacion, Buguias, Benguet, noong Miyerkules ng gabi mula sa isinagawang operasyon sa Bad-ayan, Baculongan Sur, Buguias, Benguet.
Dalawang drug suspect pa ang nadakip na kinilalang sina Ramon B. Cariño, 38, ng Barangay Poblacion, Tayum, Abra at Angelo D. Vinluan, 20, ng Upper Session Road, Barangay Engineers Hill, Baguio City.
Labis na papuri naman natanggap ng pulisya mula kay Dickson sa paghuli nila sa mga suspek na sangkot sa iligal na droga kung saan patuloy ang kampanya para sugpuin ito.
 
Zaldy Comanda/ABN

Amianan Balita Ngayon