LA TRINIDAD, BENGUET – Arestado ang apat na lalaki kasama ang isang menor de edad dahil sa illegal na droga, habang dalawa pang lalaki ang naaresto dahil sa mga di lisensyadong baril sa magkakaibang lugar sa Cordillera noong ika-17 ng Pebrero.
Nasabat ng mga awtoridad sa isang checkpoint sa Barangay Bangad, Tinglayan ang halos isang kilo ng tuyong marijuana mula sa apat na lalaki na lulan ng dalawang motorsiklo.
Galing umano sa Barangay Buscalan, Tinglayan, Kalinga ang mga suspek na sina Abdul Gafar Batuaan, Jonas Ang, Andre Lazada, at isang menor de edad na itinago ang pagkakakilanlan.
Tinatayang aabot sa halagang P812,500 ang presyo ng nakumpiskang marijuana sa mga suspek
Ayon kay Police Regional Office Cordillera (PROCOR) Regional Director Chief Superintendent Edward Carranza, pinaghalong pwersa ng Tinglayan Police at mga operatiba ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) ang nakaaresto sa apat na suspek.
Samantala, sa parehong araw, idinulog naman ng isang pribadong indibidwal sa pulisya ang dalawang kalalakihan dahil sa iligal na pagmamay-ari at pagdadala ng armas.
Nahuli si Peter Dangiwan Chinalpan, 48 anyos, isang construction worker na residente ng Upper Pinget, Baguio City matapos magpaputok ng kanyang hindi rehistradong baril.
Ang nasabing suspek ay nahuli na rin ng mga awtoridad kamakailan sa Nazarene Pico, Puguis, La Trinidad, Benguet matapos mahulian ng isang bag na naglalaman ng iba’t ibang ipinagbabawal na mga armas.
Miyembro rin umano si Chinalpan ng Cordillera People’s Liberation Army (CPLA).
Ang isa pang suspek na si Johnson Sawac Tindo, 25 anyos, isang magsasaka na residente ng Lam-ayan Buguias, Benguet ay inaresto dahil sa pagdadala ng hindi rehistradong armas sa isang videoke bar sa Abatan, Baguias, Benguet.
Nakumpiska ng mga pulis kay Tindo ang isang kalibre 45 na pistol.
Ayon sa mga pulis, ang dalawang arestadong suspek ay kasalukyan nang nasa kustudiya ng mga kinauukulang himpilan habang inaayos ang mga kasong maaaring isampa laban sa kanila. RC BJON C. CATACUTAN, UB Intern