LUNGSOD NG BAGUIO – Tinatayang magtatagal na lamang hanggang sa Marso ang suplay na bigas ng National Food Authority sa lungsod.
Pahayag ng NFA, sa Hunyo pa ang nakatakdang pagdating ng supply para sa Baguio at Beguet.
Sa kasalukuyan ay 12,243 na sako ng bigas na lamang ang nakatago sa bodega ng NFA Baguio sa Loakan.
Paglilinaw ni Nicolas C. Medrano Jr., presidente ng Grain Retailer Confederation of the Philippines Inc (Grecon) – Baguio City-Benguet Chapter, hindi kinukulang ang suplay ng bigas.
Aniya, maraming supply ng commercial rice sa Baguio at La Trinidad ngunit ang presyo nito ay mataas kumpara sa NFA rice.
Ang commercial rice sa Baguio at La Trinidad ay tinatayang mas mahal ng P10 pataas kada kilo kaysa sa NFA rice.
Dagdag pa niya, nagpasa sila ng resolution para matugunan ang kulang na NFA rice dito sa Baguio at Benguet at upang mapigilan ang panic buying at hindi napapanahon na pagtaas ng presyo ng commercial rice. Ang resolusyon na humihiling ng mas maagang paghahatid ng suplay ng NFA at dagdag na alokasyon para sa Baguio at Benguet ay ipinasa sa head office ng NFA at binigyan din ng kopya ang tanggapan ng Presidente.
Nakatanggap ang NFA Baguio ng dagdag na 925 kilo ng bigas ngunit kulang pa rin ito para matustusan ang lungsod.
Paliwanag ni Medrano, dati 90 porsyento ang commercial rice at 10 porsyento naman ang bahagi ng NFA sa pamilihan ngunit sa ngayon ay wala pa sa isang porsyento ang NFA kaya nakikita ng mamimili na walang NFA rice sa pampublikong pamilihan.
Aniya, wala pang kasiguraduhan kung kailan darating ang suplay ng NFA sa Baguio.
Para hindi mahirapan ang mamimili, naipasa ang resolusyon ng Grecon nung Pebrero 6 ngunit hanggang sa kasalukuyan ay wala pa silang natatanggap na tugon ukol dito.
Sa ngayon ay sinusunod nila ang patakaran na kada isang mamimili ay bibigyan lang ng 3 kilos kada araw.
Sa Baguio ay may 12 retailers lamang na accredited na magbenta ng NFA rice. MARK PAUL PERALTA, UB Intern
February 23, 2018