6 pares, ikinasal nang libre sa Benguet

LA TRINIDAD, BENGUET – Pinangasiwaan ni Mayor Romeo K. Salda ang pag-iisang dibdib ng anim na pares na sinamantala ang isinagawang Kasalang Bayan noong Enero 30,2019, sa Lednicky Hall ng Municipal Hall ng bayang ito.
Ang programa na sinimulan ng 9:30 ng umaga ay inorganisa sa pangunguna ni Admin Officer I Brilyn M. Antero.
Sa pagsisimula ng seremonya ay unang nagbigay ng mensahe patungkol sa mga mag-iisang dibdib si dating Punong Barangay Teddy Quintos na pinaalalahanan ang anim na pares na magkaroon ng tahimik na buhay.
Mataimtim at may kaayusan ang ginanap na kasalan na sinaksihan ng mga panauhin at mga kamag-anak ng mga ikinasal.
Halos tatlong mag-asawa kada isang linggo ang naitatala ng munisipiyo na nagpapakasal. Ngunit hindi sa lahat ng pagkakataon ay maaaring magkasal ang ama ng bayan ng La Trinidad. Kailangang sumangguni muna ang mga magpapakasal sa kinauukulan upang mabigyan sila ng hakbang kung kailan sila matutugunan, sapagkat may mga proseso pang dapat unahin bago sila makasal.
Pagkatapos ng kasalan ay nagbigay ang pamahalaang lokal ng coffee seedlings bilang regalo sa bagong mag-asawa, na napapanahon naman sa nalalapit na pagdiriwang ng “Coffee Festival” sa bayan ng La Trinidad, Benguet sa Pebrero.
Kailangan namang bumalik ng mga bagong kasal kinabukasan upang magkaroon ng kopya at magabayan sila sa pagkuha ng marriage certificate at iba pang kailangang gawin upang magkaroon ng isang matagumpay na pamilya. May libre ding ipamimigay na litrato (soft copy) mula sa kuha ng tauhan ng munisipyo.
Ang tanging hindi sakop ng Kasalang Bayan ay ang pagpapakain sa mga ikinasal at mga bisita nila, bagkus ay kaniya-kaniya na silang handaan pagkatapos ng seremoniya.
GABRIELLE DOMINIQUE F. DALUDADO, UB Intern/ABN

Amianan Balita Ngayon