7 anyos na bata, nalunod sa swimming pool sa Sagada

LA TRINIDAD, BENGUET – Ang pagbisita ng isang pitong taong gulang na batang Nueva Ecijano at kaniyang pamilya sa Sagada, Mt. Province ay naging isang trahedya matapos malunod ang bata sa swimming pool.
Si Laurence Carl Merced Valez Monroy, 7, Grade 3 pupil mula Potlod, Nueva Ecija, ay kasama ang kaniyang pamilya na bumisita sa payapang tourist town ng Sagada noong Hunyo 6, 2018 para sa isang family outing.
Subalit Lunes ng hapon, nagpunta ang bata sa pang-adult na swimming pool sa Blue Mountain Cabin ng Barangay Taccong, na hindi alam ng kaniyang pamilya.
Huli na nang mapansin ng lolang si Lolita dela Cruz Dizon, ang bata. Sinubukan din niyang iligtas ang apo, subalit hindi rin niya alam lumangoy, pahayag ng otoridad.
Ang tiyuhin ng bata ang lumangoy sa pool at agad na nagsagawa ng cardiopulmonary resuscitation (CPR), at itinakbo sa malapit na St. Theodore’s Hospital ng Sagada town proper.
Namatay ang bata ilang minuto matapos ma-admit sa hospital, sabi ng attending physician na si Dr. Myrjhonahlyn Rolluda sa mga otoridad. A.ALEGRE

Amianan Balita Ngayon