700 DAGA NAHULI SA 2ND RAT CATCHING CHALLENGE SA BAGUIO

BAGUIO CITY

Mahigit na 700 daga ang nahuli at itinapon sa nakalipas na dalawang buwan, sa patuloy na 2nd Rat Catching Challenge sa Baguio City Public Market. Ang ikalawang leg ng Rat Catching Challenge ay inilunsad ni Mayor Benjamin Magalong, para muling himukin ang mga public market leaseholder at vendor, na tumulong sa pagpapanatili ng kalinisan sa pamamagitan ng pagpuksa sa presensya ng mga daga sa palengke.

Ang aktibidad ay naglalayon na patuloy na masangkot ang mga market leaseholder at vendor kabilang ang mga privately-operated business establishments sa loob ng market premises sa pagpuksa ng mga peste para sa kaligtasan ng publiko. Ang pagpuksa sa mga daga ay prayoridad upang matugunan ang mga kaso ng leptospirosis, isang impeksyon mula sa ihi ng daga sa tubig baha.

Noong nakaraang taon ay tumaas sa 126% ang kaso ng leptospirosis sa mga buwan ng Hulyo at Agosto, sa
pagsisimula ng tag-ulan na naging sanhi ng pagkamatay ng pitong katao sa lungsod. Hinikayat ni Market Superintendent Ceasar Emilio ang 46 public market section leaders na ipagpatuloy ang pag aalis ng mga daga, para matiyak ang kaligtasan ng mga tindero at mamimili. Ang hamon ay muling inilunsad noong Mayo hanggang Agosto 31, 2024 sa pangunguna ng City Treasurer– Market Section at ng City Veterinary and Agriculture Office (CVAO).

Ang mga nakakulong na daga, buhay man o walang buhay, ay ibabalik sa lugar ng pagkolekta na tinukoy sa
pampublikong pamilihan. Ang koleksyon para sa pagtatapon ay naka-iskedyul mula alas 8:00 ng umaga hanggang alas 3:00 ng hapon, mula Lunes hanggang Sabado. Ang Rat Catching Challenge ay pinasimulan ni Magalong noong 2020 sa panahon ng Covid pandemic, na may kaukulang premyo sa pinakamaraming nahuli.

Sa loob g isang buwan ay umabot sa 1,766 daga ang nahuli, na karamihan ay nahuhuli ng mga tindero sa Lechon Section, Pines Meat Mart at Entrails Section. Ngayong taon, ang seksyon na may pinakamaraming nahuhuling daga ay may premyong P25,000; ang pangalawa ay P15,000; ang ikatlo ay P10,000 at P5,000 para sa ika-apat na pinakamaraming daga na nahuli ng isang indibidwal.

Zaldy Comanda/ABN

Amianan Balita Ngayon