Abril 5 idineklara ng Malakanyang na special nonworking day sa Pangasinan

LUNGSOD NG BAGUIO – Inilabas ng Malakanyang ang Proclamation No. 1334 na nagdedeklara sa Abril 5 bilang isang special nonworking day sa probinsiya ng Pangasinan para sa pagdiriwang ng ika-442 anibersaryo ng pagkakatatag nito.
“It is but fitting and proper that the people of the province of Pangasinan be given full opportunity to celebrate and participate in the occasion with appropriate ceremonies, subject to the public measures of the national government,” nakasaad sa proklamasyon noong Marso 31.
Ang Pangasinan ay nagmula sa salitang “Panagasinan” na ibig sabihin ay lugar ng “asin” o gawaan ng asin dahil ang probinsiya ay bantog sa produksiyon ng asin. May 44 na mga bayan ito at apat na lungsod na bumubuo sa anim na distrito ng probinsiya.
Ang wika nito na tinatawag na Pangasinan ay itinuturing ba isa sa pinakalaganap na ginagamit sa buong bansa. Ang pinagmulan nito ay matutunton sa mga pananalita ng Austronesia sa Asya at mas malapit sa wika ng Ibaloi, ayon sa Provincial Information Office.
Kalimitang ipinagdiriwang ng probinsiya ang Pangasinan Day tuwing ika-15 ng Nobyembre upang alalahanin ang araw ng kapanganakan ng namayapang Speaker of the House of Representatives Eugenio Perez, ba siyang kauna-unahang Speaker of the House mula Pangasinan.
Idineklara ang araw ng kapanganakan ni Perez bilang isang special non-working holiday sa buong probinsiya bawat taon noong 1990. Ang deklarasyon ng araw ng pagkakatatag ng Pangasinan sa Abril 5. 1580 ay inaprubahan ng Sangguniang Panlalawigan sa pamamagitan ng Provincial Ordinance No. 143-2010.
(HA-PNA Ilocos/PMCJr.-ABN)

Amianan Balita Ngayon