LA TRINIDAD, Benguet
Patuloy na nakararanas ng mapanganib na antas ng init ang mga lalawigan sa Hilagang Luzon gaya ng Nueva Ecija, Pangasinan, at La Union, kung saan umabot na sa 45°C ang heat index sa San Jose, Nueva Ecija at 44°C sa Dagupan City, Pangasinan, batay sa pinakahuling datos ng PAGASA. Ang heat index, na tumutukoy sa nararamdamang init dulot ng kombinasyon ng temperatura at halumigmig, ay nasa “danger level” kapag lumalagpas sa 42°C, na maaaring magdulot ng heat cramps, heat exhaustion, at maging heat stroke.
Ayon sa Department of Agriculture (DA), apektado ang mga magsasaka sa rehiyon dahil sa heat stress sa mga pananim at hayop, na
nagpapabilis ng pagkatuyo ng lupa at nagpapababa ng suplay ng tubig para sa irigasyon, lalong-lalo na sa mga tanim na palay at mais.
Kaugnay nito, hinihikayat ng DA ang paggamit ng climate-resilient varieties at tamang iskedyul ng pagtatanim. Samantala, binalaan ng
Department of Health (DOH) ang publiko, lalo na ang mga matatanda at bata, sa panganib ng mga heat-related illnesses.
Kabilang sa mga sintomas ng heat exhaustion ang labis na pagpapawis, panghihina, at pagkahilo, habang ang heat stroke ay maituturing nang emergency. Pinayuhan ng DOH ang publiko na umiwas sa araw mula 10:00 a.m. hanggang 4:00 p.m., uminom ng maraming tubig, at iwasan ang pisikal na aktibidad sa oras na ito. Kasabay nito, ang mga lokal na pamahalaan at ang NDRRMC ay nagsasagawa ng pagbibigay-kaalaman at paghahanda upang mabawasan ang epekto ng matinding init. Sa patuloy na banta ng El Niño at climate change, inaasahang magpapatuloy ang mataas na heat index sa mga susunod na linggo, kaya’t mahalaga ang ibayong pag-iingat upang maprotektahan ang kalusugan at kabuhayan sa mga lalawigan ng Hilagang Luzon.
Janieca Edejer/UB Intern
April 26, 2025
April 26, 2025
April 26, 2025
April 26, 2025