Alternatibong pangkabuhayan kapalit ng SSM, bakit hindi?

Editorial

Tunay na pinagpala ang mga kabundukan ng Cordillera ng mga yamang-mineral lalo na ang ginto na sa katunayan ay mula pa noong ika-14 na siglo ay nagmimina na ang mga ninunong katutubo dito. Subalit ang pagmimina noon ay hindi para sa pangkabuhayan kundi isang uri lamang ng pamumuhay ng mga naunang katutubo noon – hindi pinagkakakitaan bagkus gamit lamang bilang dekorasyon, sa mga rituwal, alahas at aksesorya gayundin ipinagpapalit lamang sa pagkain gaya ng bigas, baboy at kalabaw sa mga Intsik. Pagsasaka ang pangunahing ikinabubuhay ng mga tao noon.

Sa mga panahon ng pananakop ng mga banyaga ay namulat at naakit sa kinang ng ginto at napagtanto ang malaking halaga nito ang mga taga-Cordillera at maging mga taga-ibang bayan at probinsiya ay sinubukan na ring makipagsapalaran sa pagmimina. Bagama’t tila said na ang mga inabandonang tunnel sa ginto ay hindi pa rin napigil ang mga taong makipagsapalaran at suungin ang panganib sa malalayo at malalalim ng yungib mabuhay lamang.

Umusbong ang small-scale mining at kabi-kabila na ang pagmimina, sa ngayon ayon sa Benguet Federation of Small Scale Miners ay may 25,000 operasyon sa Benguet na may 66 asosasyon. Sa Itogon ay 66%  ang operasyon ng SSM na may 32 asosasyon na tig-1,000 kasapi at ang natitirang 34% ay naikalat sa Tuba, Mankayan, Kabayan, Bokod at Atok.

Tama ang kasabihan na sa oras na sumuong ka sa pagmimina ay nakabaon ka na sa hukay dahil sa sobrang mapanganib ang trabahong ito. Ilang minero na ba ang nadisgrasya at namatay sa loob ng mga tunnel, mga natabunan nang buhay ng gumuhong lupa na kamakailan ay nadagdagan na naman sa pananalanta ng bagyong Ompong?

Isang dahilan kung bakit ang ganitong pinagkakakitaan ay sobrang mapanganib ay dahil sa kawalan o kakulangan ng legal o regulatory framework. Habang ang gobyerno o ilang sektor ay sinisikap siraan o pigilin ang small-scale mining bilang madumi, mapanganib at mapanira, ang mga hakbang na ito mababalewala lamang sa matigas na pundasyon ng pangangailang pang-ekonomiya. Para sa mahihirap na komunidad ay may hawak na pangakong kita sa pagmimina, na may dagdag na tsansa kahit maliit gaya ng pagtaya sa lotto na baka magkaroon ng malaking pagbabago sa hinaharap basta manatili lamang na tumataya sa laro. Pinapatibay lamang nito ang masamang ikot na nakapanlulumong kondisyon sa trabaho, kapansin-pansin na pagkasira ng kapaligiran at kahirapan sa mga komunidad na ang buhay ay nakadepende sa small-scale mining.

Gaya ng ibang aktibidad na pang-ekonomiya ang small-scale mining ay mayroong positibo at negatibong mga aspeto. Masyado itong nakakabit sa pag-unlad ng ekonomiya, partikular sa rural sector na tumutulong pigilan ang rural-urban migration; pinapanatili nito ang ugnayan ng tao sa lupa; may malaking kontribusyon sa kita sa foreign exchange; naging daan sa pagsasamantala ng mga kayamanang di-kumikita; at naging panimula sa large-scale mining.

Subalit sa kabila ng potensiyal na kita sa pagmimina ay mga buhay at ari-arian naman ang kapalit idagdag pa ang patuloy na pagkasira ng kapaligiran gaano man sabihin na ginagawa ang lahat ng paraan upang mapaliit ang pagkasira nito ay lumalakas ang panawagan na tuluyan nang abandonahin ang pagmimina bilang pinagkakakitaan. Sa likod ng makabagong teknolohiya na kung saan natutukoy na ang mga lugar na mapanganib at malapit sa pagguho ay binabalewala lamang ng mga tao. Sa kabila ng paulit-ulit na panawagan ng mga opisyal ng gobyerno at mga ahensiya na lumikas ang mga naninirahan sa mga danger zones ay nagbibingi-bingihan sila ay maging pinakahuling trahedya na sana ang dulot ni Ompong, maging masakit na karanasang pagkukunan ng aral at tumalima na lamang ang mga dumedepende sa pagmimina at bumaling sa mga alternatibo at transisyon na pangkabuhayan na handog ng pamahalaan, isa na rito ang agro-tourism na isinusulong ngayon. Bagama’t mas matagal na proseso ay para naman sa ikakabuti.                                                                 PMCJr.