ISA SA REBELDENG UMATAKE SA POLICE STATION
BANGUED, ABRA – Isiniwalat ng pulis ng Cordillera na ang nadakip na babaeng hinihinalang rebelde ay kabilang sa mga umatake sa isang himpilan ng pulis sa Malibcong, Abra noong Marso 12.
Sugatan si Dawn Aquino Aguilar, “Ka Joana”, 25anyos, nang nadakip noong Hulyo 1 (Sabado) matapos ang isang maikling sagupaan sa pagitan ng puwersa ng gobyerno at mga rebelde sa ilalim ng Kilusang Larangang Guerilla North na pinangungunahan ni “Ka Payas” sa Sitio Tinalban, Kilong-olao, Boliney. Wala na sa peligro ang buhay ni Aguilar at nagpapagaling sa Abra Provincial Hospital.
Ayon sa militar, si Aguilar na dating estudyante sa Metro Manila at tubong Caloocan, kasama ng ilang rebeldeng NPA ay sumugod sa naturang himpilan ng pulis at hinarangan ang apat na pulis bago tumakas tangay ang magkakaibang matataas na uri ng baril at iba pang gamit.
Noong Sabado ng hapon ay nakuha ng hukbo ng gobyerno ang limang assault rifles at isang M203 grenade launcher mula sa grupo ni Ka Joana. Narekober ng 24th Infantry Battalion ng Philippine Army ang tatlong M16A1 Armalite rifles na diumano ay katugma ng mga tinangay ng mga rebelde mula sa pulis ng Malibcong noong Marso. Ang dalawa pang baril na nasamsam ng pulis ay M14 rifles.
Ayon kay 24th IB Commander Lieutenant Colonel Thomas Dominic Baluga ay nagsasagawa ng security patrol sa Brgy. Kilong-olao, Boliney bandang 3pm ng Hulyo 1 para beripikahin ang ulat na may mga armadong tao sa lugar nang bigla silang paputukan ng mga rebelde na humantong sa barilan.
Ang grupo ng militar ay nakakuha din ng 15 backpacks na may mga personal na gamit, subversive documents, dalawang handheld radios, walong cellphones, iba’t ibang medical paraphernalia, binocular at iba’t ibang uri ng bala at magazines ng M16 at M14 rifles.
Pinuri naman ni Major General Paul Atal, commander ng Joint Task Force TALA na may operational control sa 24th IB, ang grupo para sa matagumpay na operasyon.
Sinabi pa ni Atal na paulit-ulit ang imbitasyon ng gobyerno sa mga lokal na komunistang rebelde na tanggapin ang Comprehensive Local Integration Program (CLIP) upang makapagsimulang muli at tumulong makamit ang kapayapaan at pag-unlad ng bansa.
Samantala, nangako si Cordillera police director Chief Supt. Elmo Sarona na ipagpapatuloy ng kapulisan na patuloy na sisiyasatin ang NPA raid noong Marso at malalimang iimbestigahan kung sino ang iba pang kasamahan ng nahuling babaeng rebelde. May ulat sina ACE ALEGRE at LIZA T. AGOOT / ABN
November 30, 2024
November 30, 2024
November 30, 2024
November 30, 2024
November 30, 2024
November 30, 2024