AMIANAN POLICE PATROL

3 delivery riders natimbog sa drug session sa Benguet

LA TRINIDAD, Benguet

Arestado ng pulisya ang tatlong delivery riders habang nagsasagawa ng drug session sa isang bahay sa Barangay Pico, La Trinidad, Benguet noong gabi ng Enero 29. Kinilala ang mga nadakip na sina Geremay Quinzon Estalilla, 27; Lhurdson Mira Ranin, 35; at Macario Serma Orden Jr., 44, pawang mga residente ng La Trinidad at nakalista bilang Street Level Individuals (SLI).  Ayon kay Col Damian Olsim, provincial director ng Benguet Provincial Police Office, agad na nagresponde ang joint operatives ng Provincial Drug Enforcement Unit (PDEU) at La Trinidad Municipal Police Station matapos magbigay ng impormasyon ang isang concerned citizen sa mga operatiba ng pulisya hinggil sa nangyayaring drug session sa nasabing lugar.

Sa pagdating, nakuha ng mga operatiba ang dalawang sachet ng hinihinalang shabu na tumitimbang ng 0.17 gramo na may Standard Drug Price na P1,156.00 at iba pang drug
paraphernalia. Isinagawa ang imbentaryo ng ebidensya sa presensya ng mga naarestong suspek at sinaksihan ni Prosecutor Arthur Bataclao, kinatawan ng DOJ, at opisyal ng Barangay ng Pico, La Trinidad, Benguet. Ang mga naarestong suspek at mga nakumpiskang ebidensya ay dinala sa kustodiya ng La Trinidad MPS para sa dokumentasyon at tamang disposisyon habang ang mga kasong paglabag sa Republic Act 9165 o Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002 ay sinasampa laban sa mga suspek.

Zaldy Comanda/ABN

 

5 pulis pinarangalan sa matagumpay na drug operation sa Cordillera

CAMP DANGWA, Benguet

Limang pulis ang ginawaran ng Police Regional Office Cordillera (PROCOR) bilang pagkilala sa kanilang huwarang pagganap sa kampanya laban sa ilegal na droga sa simpleng seremonya sa Masigasig Grandstand sa Camp Major Bado Dangwa, La Trinidad, Benguet noong Enero 30.  Brig. Gen.Patrick Joseph Allan, deputy regional director for administration, ang mga parangal ng Medalya ng Kagalingan (PNP Medal of Merit) kina Kapitan Ruben Balanoy, SSg Novis Denne Bulao, at SSg Ryan Floyd Dagadag, pawang mula sa Tabuk City Police Station (CPS), Kalinga Police Provincial Office (PPO), para sa kanilangmatagumpay na pagsasagawa ng checkpoint operation na
nagresulta sa pagkakaaresto sa dalawang drug personality at pagkakakumpiska ng marijuana
sa Kalinga.

Parehong parangal ang iginawad kina Capt.Lyster Abag at Cpl Efren Agayo, kapwa mula sa Benguet PPO, sa pagsasagawa ng buy-bust operation na nag-resulta sa pagkakadakip sa isang drug personality at pagkakakumpiska ng “shabu” sa La Trinidad, Benguet. Ang Medalya ng Kagalingan ay iginagawad sa mga miyembro ng PNP para sa iisang gawa ng kabayanihan o serye ng mga kabayanihan.

Zaldy Comanda/ABN

Amianan Balita Ngayon