AMIANAN POLICE PATROL

64 bayan nagtala ng zero crime incident sa Cordillera

LA TRINIDAD, Benguet

Animnapu’t apat na munisipalidad sa rehiyon ng Cordillera at limang istasyon ng pulisya sa Baguio City ang nagtala ng zero crime incident mula Hulyo 30 hanggang Agosto 5, 2023. Iniulat din ng Police Regional Office- Cordillera ang 23 wanted person na nahuli sa isang manhunt operations mula sa parehong panahon. Zero crime incidents ang naitala sa 23 sa 27 munisipalidad sa Abra; anim sa pitong munisipalidad sa Apayao; 11 sa 13 munisipalidad sa Benguet; apat sa pitong munisipalidad sa Kalinga; 10 sa 11 munisipalidad sa Ifugao; at ang sampung munisipalidad sa Mountain Province.

Ang City Police Stations ng Naguillian Road Police Station (PS) 1, Camdas PS2, Loakan PS4, Legarda PS5, at Aurora Hill PS6 ay nagtala rin ng zero crime incidents sa 10 police stations sa Baguio City. Batay sa talaan ng Regional Investigation and Detective Management Division (RIDMD), naitala ng Benguet Police Provincial Office (PPO) ang pinakamaraming bilang ng mga naaresto na 15 wanted person, sinundan ng Baguio City Police Office (CPO) at Ifugao PPO na may tatlong arestado ang bawat isa, at ang Mountain Province PPO at Kalinga PPO na may tigisang arestado. Ang pag-highlight sa isang linggong manhunt operation ay ang pag-aresto sa isang indibidwal na nakalista bilang No. 3 Most Wanted Person (MWP) sa City Level para sa 3rd Quarter  ng CY 2023.

Zaldy Comanda/ABN

 

7 tulak ng droga, arestado sa P109,344 halaga ng shabu sa Cordillera

CAMP DANGWA, Benguet

Nasamsam ng pulisya ang kabuuang P109,344 halaga ng iligal na droga mula sa pitong drug personality,sa isang linggong operasyon na isinagawa mula Hulyo 3 hanggang Agosto 5. Sa talaan ng Regional Operations Division (ROD), arestado ang pitong drug personalities matapos makuhanan ng kabuuang 16.0 gramo ng hinihinalang shabu. Ayon sa ulat, tatlong inaresto ang ginawa ng mga anti-illegal drugs operatives ng Kalinga Police Office (PPO), habang tig-dalawang arestado ang Abra PPO at Benguet PPO.

Sa Kalinga, inaresto ng mga operatiba ng Kalinga PPO sina Wally Wigan, 42; Raymund Estranero, 59; at Mark Angelo Lozano, 40. Samantala, kinilala ng Abra PPO ang mga naarestong suspek na sina Marcelino Cabanilla Jr., 56 at Raul Belmes, 37, habang ang mga naarestong suspek na sina Mark Dervin Morales, 45 at Pacio Wan-aten, 54, ay nahuli ng Benguet PPO. Lahat ng mga naarestong suspek at mga nakumpiskang ebidensya ay dinala sa kanikanilang arresting units, habang ang mga kasong paglabag sa R.A. 9165, o Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002, ang inihahanda laban sa kanila.

Zaldy Comanda/ABN

Amianan Balita Ngayon