Anak ng kagawad, huli sa CCTV ang pagnanakaw sa barangay hall

LUNGSOD NG BAGUIO – Huli sa CCTV ang pagnanakaw ng isang menor de edad sa Pacdal Barangay Hall, Baguio City bandang 12:30am ng Agosto 25, 2018.
Iniulat ni Punong Barangay Abraham Nudo ang insidente sa Station 3 ng Baguio City Police Office at nakilala ang suspek na isang menor de edad sa pamamagitan ng nakalagay na CCTV sa lugar.
Sa imbestigasyon, umakyat ang suspek sa steel gate patungong main entrance ng Barangay Hall at sapilitang sinira ang dalawang padlocks ng donation box na pag-aari ng SSS members. Matapos nito ay nagtungo siya sa basketball court sa likod at inakyat ang poste upang maabot ang bukas na bintana ng barangay hall na ginamit niya upang makapasok sa loob ng opisina. Habang nasa loob, kinuha niya ang isang steel bar at sinubukang buksan ang steel cabinet subalit bigo ito. Agad niyang pinuntahan ang wooden cabinet ng barangay treasurer at sinira ang padlock ng cabinet. Tinangay niya ang donation box malapit sa comfort room at kinuha ang ilang barya na hindi pa matukoy ang halaga.
Sa pagsusuri sa CCTV footage ng mga barangay officials ng Pacdal, positibong nakilala ng isang 48-anyos na barangay kagawad na ang suspek ay ang anak niyang lalaki. Sinamahan ng kagawad ang kaniyang anak sa Station 3 at sa panayam sa suspek, inamin niyang kinuha niya ang pera na nagkakahala ng P965 at hindi pa rin matukoy na halaga ng barya mula sa barangay hall. Ang kaso ay sasailalim pa sa imbestigasyon.

Amianan Balita Ngayon