Andres Bonifacio Elementary School, may bagong gusali

LUNGSOD NG BAGUIO  – Labis na ikinasiya ng mga mag-aaral at mga guro ng Andres Bonifacio Elementary School (ABES) kasama ang mga magulang nang pormal na ipinagkaloob ng pamahalaang lungsod ang isang bagong gusali noong ika-20 ng Nobyembre 2018 sa Bado Dangwa St., Barangay Crescencia Village.
Pinangunahan ni Mayor Mauricio G. Domogan sa isang maikling programa ang pagpapasakamay ng bagong gusali sa pamunuan ng naturang paaralan. Kasama niya bilang mga panauhing pandangal ang kinatawan ng tanggapan ni Congressman Marquez Go, ang nangasiwa sa konstruksiyon ng gusali, at mga guro sa ibang paaralan.
Ang bagong gusali ay may apat na palapag na mayroong walong silid aralan. Gagamitin ito ng mga mag-aaral na nasa ika-apat at ikalimang baytang. Ito ay “earthquake resilient” o may kakayahang maging matatag sa panahon ng kalamidad tulad ng bagyo o lindol. Ito ay alinsunod sa  dinisenyo ng sentral na pamunuan ng kagawaran ng edukasyon (Department of Education o DepEd) na ayon sa kagawaran ay kayang tumindig sa kahit gaano kalakas na bagyo tulad ng bagyong “Yolanda” na sumira ng maraming ari-arian at kumitil ng maraming buhay lalo na sa Kabisayaan.
Sa kanyang talumpati, sinabi ni Domogan sa mga mag-aaral na ang edukasyon ang tiket nila sa kanilang magandang kinabukasan. Sinabi nito na sana ay hindi malulong ang mga mag-aaral sa mga masasamang bisyo.
Bilang bahagi ng programa ay nagpakitang gilas ang mga mag-aaral sa ika-anim na baytang sa pamamagitan ng pagsasayaw.
Ang huling bahagi ay ang simbolikong pagtanggap ng isang susi ng gusali ni Dr. Margie Estoesta, punong guro ng ABES, kasama ang pangulo ng Supreme Pupils Government na si Regiliyn Palatao na sinaksihan naman ng mga guro, mga panauhin at mga magulang.
Sa ngayon ay hindi pa nakakalipat ang mga mag-aaral na nasa ika-apat at ikalimang baytang dahil ginagawan pa ng bakod at iba pang kakailanganin ang bagong gusali upang masiguro ang kaligtasan ng mga bata at mga guro. Tinatayang sa mga susunod na buwan pa magagamit ang gusali. RAQUEM JOHN N. QUITASOL / ABN

Amianan Balita Ngayon