Anim na hepe sa Pangasinan, sibak sa puwesto

CAMP BGEN FLORENDO, LA UNION – Ilang araw makalipas ang pagkakasibak sa 13 hepe ng pulis mula sa lalawigan ng La Union, Ilocos Norte at Ilocos Sur ay anim na hepe naman sa Pangasinan ang sinibak sa kanilang puwesto dahil din sa mababang performance rating sa kampanya ng peace and order mula sa ipinapatupad na monthly Chief of Police Performance Evaluation Rating (COPPER). 
Nabatid kay Chief Superintendent Romulo E. Sapitula, regional director, ang mga nasibak na hepe noong Agosto 8 ay mula sa Asingan MPS, San Manuel MPS, Sison MPS, Sta Maria MPS, Balungao MPS at Aguilar MPS.
Itinalaga na lamang sila bilang checkpoint officers, habang ang mga deputy chief of police ang nagsilbing officer-in-charge.
Matatandaan na nagbigay ng isang linggong palugit si Sapitula sa mga hepe ng Pangasinan na doblehin ang kanilang pagsisikap na maiangat ang kanilang COPPER, sa konsiderasyon na sumailalim sa kalamidad ang lalawigan.
“Gusto lamang natin na masiguro na ang buong organization ay nagtatrabaho at isa rin itong paraan na mabigyan natin ng pagkakataon ang iba nating tauhan na may kakayahan sa pagiging pinuno para sa pagsusulong ng matagumpay na organisasyon,” ayon kay Sapitula. ZALDY COMANDA / ABN

Amianan Balita Ngayon