Ano ang sukatan ng kagitingan sa modernong kabataan?

Bang! Bang! Bang! Isa, dalawa, tatlo, hanggang sa umabot ng libo ang nagbuwis ng buhay sa makasaysayang “Death March” noong ika-9 ng Abril taong 1942. Noong 1961 ay naipasa sa Kongreso ang Republic Act 3022 na nagdeklara sa ika-9 ng Abril ng bawat taon bilang Bataan Day. Taong 1987, sa bisa ng Executive Order 203 ay binago ang mga naideklara nang national holiday sa bansa na kinabibilangan ng Bataan Day na kinilala bilang Araw ng Kagitingan (Bataan and Corregidor Day) hanggang sa paglipas ng panahon ay naging Araw ng Kagitingan na siyang ginugunita natin bawat taon.
Araw ng Kagitingan para sa mga sundalong nagbuwis ng buhay noong ikalawang digmaan; para sa mga taong nagdanak ng dugo upang makamtan ang demokrasya ng bansa; at higit sa lahat, para sa mga Pilipinong nagsakripisyo para sa kasarinlan ng inang-bayan.
Ang ika-9 ng Abril ang araw ng pagbagsak ng Bataan sa kamay ng mga sundalong Hapon. Ito ang araw na sumuko ang humigit-kumulang 70,000 na pinagsamang sundalong Pilipino at Amerikano na pinaglakad mula Bataan hanggang sa kampo ng mga Hapon sa Tarlac. Mahigit kumulang 60 milyang paglalakad nang walang pagkain o tubig. Libo ang namatay sa uhaw at gutom, libo pang nanghihina at hindi na kayang maglakad ang namatay sa bayoneta ng Hapon, at marami pa na nakarating sa kampo ang namatay sa sakit.
Kung anong giting ng ating mga kababayan sa pag-inda ng pagod at uhaw, sakit at pasakit, mga sugat na sa kalangitan na naghilum, ay siya namang panlulumo nating mga kababayan sa pait na kanilang dinanas. Kasaysayan ang nagdikta ng ating kinabukasan. Tayo’y nasakop ng kung sino-sino at iba’t ibang bansa. Ngunit mga Hapon na yata ang pinakamalupit na mananakop. Ginahasa at walang habas na pinahirapan ang inang bayan.
Wala pa ang henerasyong ito sa konsepto noong mga panahong yun. Ngunit gaano nga ba tayo kagiting? Ikaw ba? Sa palagay ko’y sa kahabaan pa lang ng Session Road ay pagod ka na.
Maaaring hindi masususukat ang kagitingan sa paglalakad lamang. May mga taong ilang bundok na ang naakyat, ilang kalaban na ang napatumba sa mobile legends, at ilang girlfriend or boyfriend na ang napaiyak. Sandali lamang, kung dati’y pagbuwis ng buhay para sa inang bayan ang sukatan ng pagiging magiting, ano na nga ba ngayon? Sa dami ng likes and shares ng larawan o video sa social media? Sa dami ng followers sa instragram o twitter? Sa pagiging viral? Pagsunod sa selfie muna challenge? Pagka ba sikat, magiting na? Tingin ko nga ‘yan ang batayan ng nakararami sa pagiging magiting. Ngunit ano nga ba ang tunay na kahulugan ng kagitingan? Ayon sa diksyunaryo, kasing-kahulugan ito ng pagiging matapang, mapangahas at walang takot. Siya nga naman, kung nag-post ka ng iyong larawan na walang make-up, ay matapang nga naman at mapangahas ka kung nag-post ka ng video na gumagawa ng kalokohan at wala kang takot pag nag-post ka ng video ng nanggagalaiti mong kababayan. Ang tanong nga lamang diyan ay sa anong aspeto? Baka sadyang makapal lang ang mukha mo.
Nakalulungkot lamang isipin na bakasyon na lamang ang nasa isip ng nakararami sa atin pagdating sa araw na ito. Araw para maglamyerda o humiga na lamang sa kama. Sadyang limot na ang sakripisyo ng kahapon. Ngunit hindi ako nawawalan ng pag-asa dahil dugo ng mga magigiting ang dumadaloy sa ating ugat. Naniniwala pa rin ako na pagdating ng sakuna o giyera pa man ay mabubuhay ang natutulog nating kagitingan. Dahil mahal natin ang inang bayan! Kalayaan at kasarinlan ay ipinaglaban at patuloy na ipaglalaban. Hindi tayo papagapi at pasusupil sa mga kalaban. Naniniwala ako sa’yo Juan at Juana, na hindi paiiralin ang katamaran at kasakiman. Bagkos ay handang iwanan ang nakasanayan, upang makiisa sa silakbo ng pagbabago. Puwede tayong maging magiting hindi lamang sa pamamagitan ng pakikipagbakbakan, ang kahandaan nating tumulong at magsakripisyo ay sapat na, maari din nating ipakita ang ating kagitingan sa pamamagitan ng pagbabahagi ng kaalaman sa ibang tao. Maraming paraan ng pagpapakita ng kagitingan, huwag lamang tatamarin dahil yan ay kalamyaan. Magiting ka Juan! Magiting ka Juana! Ako’y Pilipino dahil ako’y magiting, sa isip, sa salita, at sa gawa! Mapagbunying Aaraw ng Kagitingan! CHRISTIAN JASTINE V. MENDOZA, UC Intern

Tinig ng Bayan

Amianan Balita Ngayon