ASA PARA SA ISA

Dalawang petsa sa buwang kasalukuyan ang nararapat lang na ginugunita ng sambayanan. Ang una ay Hunyo a-dose na Araw ng Kasarinlan ng bansang Pilipinas. Ang pangalawa ay ang kaarawan ng bukod-tanging Bayani ng Lahing Malay na si Dr. Jose Protacio Mercado Rizal. Nitong a-dose ng buwang kasalukuyan, ating ipinagdiwang ang ika-127 na taon ng ating kasarinlan bilang isang bansang malayang bumabalangkas ng tatahaking landas ng Pilipinas. Kung anuman ang mga pangyayari sa dalawang araw na ginugunita at sumailalim na sa daigdig ng kasaysayan. Payak at simpleng-simple lamang ang Hunyo a-dose.

Walang magarbong pagdiriwang na kapupulutan ng matinding mga aral. Ganunpaman, nandiyan pa rin ang mga tradisyonal na programang taun-taon ay ginaganap: ang pag-aalay ng bulaklak sa monumento ng mga bayani sa bawat sulok ng bansa, mula Batanes at Baguio hanggang sa kadulu-duluhan ng mga isla. Ang nakababahala ay ang nagdaang a-19 ng Hunyo na siyang kaarawan ng Pambansang Bayani, si Gat Jose Rizal. Tila dumaan lang ang araw ng walang makabuluhang pagdiriwang. Oo nga, at ating napagmasdan ang ilang minuto ng TV coverage at ilang footage ng mga nagbigay ng makabuluhang paggunita.

Aking napagtantya na marami na sa dalawang katao sa bawat sampu ang nakiisa sa mga selebrasyong naganap. Nakakalungkot ang mga pangyayaring dapat sana ay kapulutan ng mahalagang mga aral na gagabay sa atin. Higit bang nakakulunos na ang mga kabataan, na siyang mga lider ng susunod na salin ng lahi, ay mga pang-araw-araw ang inatupag na pinagkaabalahan? Nasaan ang mga kabataan na siyang titindig upang iwagayway ang bandila ng bansa, na siyang magmamana ng pamunuan sa kanilang mga sektor na gagalawan, na siyang nagbibigay tinig sa mga pangarap na susulong sa mga kabayanan at kalunsuran?

Ang mga tanong na tahasang inihayag sa ating kamalayan: Una, tayo bang mga Pilipino ay lubusan nang nakalilimot? Pangalawa, ano nga ba ang mga kaakibat ng pagiging inaasahang lider sa kinabukasan? Pangatlo, mayroon ba tayong kahit na katiting na maaasahan sa mga susunod na henerasyon ng mga lider na buong pagkatao ay makabayan at hindi makasarili? Sa pagkakataong ito, ating harapin ang kasalukuyang sitwasyon. Ayon sa kasaysayang ipinamumulat sa atin mula pagkabata, ang kasarinlan natin ay nagsimula noong 1898, nang ideklara ng kauna-unahang Pangulo, si Heneral Aguinaldo, na simula sa araw na iyon ang Pilipinas ay nagsasarili na bilang isang binuong bansa.

Isang karungisan nga lamang ay ang presensya ng mga opisyal ng America sa okasyong iyon. Eh bakit nga ba nandoon ang mga dayuhang puti sa isang pagtitipon ng mga Pilipinong hangaring maipatupad ang pagsasarili? Sa paglipas pa ng umuusad na panahon, habang binibigyan tayo ng proteksyong ‘Merkano ang tatak, nadamay ang bansa sa sigalutang World War II. Sinakop ang Pinas ng mga Hapon at apat na taon tayong sunod-sunoran sa mga sakang na mananakop. Nang magtapos ang gyera, nagdeklara muli ang mga lider ng bansa na ituloy ang paglalayag sa landas ng pagsasarili.

Taas-noo nating banggitin ang kanilang mga ngalan: Aguinaldo, Quezon, Osmeña, Laurel, Roxas, Quirino, Magsaysay, Garcia, Macapagal, Marcos Ferdinand, Aquino Cory, Estrada, Macapagal Arroyo, Aquino Noynoy, Duterte, at ang kasalukuyang Pinuno, Bongbong Marcos Jr. Sila ang mga lider na sa kani-kanilang panahon ay nagsilbing tagapangasiwa ng bansang binubuo ng tuluyan, nagsasarili, at kusang nilalandas ang tinatahak na paglalakbay. Kanilang binigyang liwanag ang pag-usad ng Pinas sa landas ng isang bansang may layang balangkasin ang lakbay ng buong kusa at walang pakundangan.

Kanilang ginawa ang alay na talino at galing upang matupad ang mga pangarap na dapat hubugin, at bukas-palad na isakatuparan ang nasang taas-noong babalikatin ang bigat ng dalahin tungo sa kaunlaran, hindi ng iilan kundi ang kalahatan, hindi ang may kapangyarihan, kundi ang mga nasa laylayan at baybayin. Nitong kasalukuyang panahon, ang bansa ay dumanas ng mga pagsagwan sa gitna ng mga pagsubok—mga suliraning ilang mga dekadang bitbit ng mga namumuno. Mga kakulangan na nanunuot sa bawat banat ng balikat ng isang nasyong nasa lamang ang makahulagpos sa mga kasawian at maipadala ang biyaya ng buhay na natatanaw ang progreso sa hindi kalayuan.

Kaya naman, napapanahong bigyan ng atensyon ang kalidad ng buhay ng nakararaming sektor at pamilya, sa kabayanan man o sa kalunsuran. Ang kagutuman ba ay naiibsan? Mayroon bang masustansyang pagkain sa mga hapag? May kakayahan ba ang ating mga anak na magkaroon ng edukasyong kapupulutan ng pagkakataon na maging produktibong kasapi ng lipunan? Meron ba silang masasandigan upang sa tamang panahon ay kanilang matupad ang mga pangarap na payak pero maaaring paganapin—ang umangat ang kanilang sitwasyon at magkaroon ng pagkakataong makilala ang kanilang natatanging kakayahan at karanasan?

Sapat ba ang serbisyo ng gobyerno upang matugunan ang mga kinakailangang suporta para sa mga madalas na pagnanasa ng buhay na masinop, maalaga, at may halaga sa bawat isa? Ang bawat manggagawa ba ay may disenteng hanapbuhay, at ang bawat araw ay natutumbasan ng tamang sahod sa bawat patak ng dugo, pawis, at luha na naigugol bilang kapalit? Isang palagiang kaisipan na higit na marami ang paluhod sa paghihintay ng kalinga at aruga ng isang maalalahaning pamahalaan. Isang bansa tayo na mayroon bahagi sa pagiging kabuuan. Bawat ambag ay isang haligi ng katatagan. Huwag nating ipagkait ang pagiging Pilipino sa bawat isa. Ating simulan ang pagsagwan sa mahabang ilog na tatagakin, bilang isang bayan na piling-pili ng Maykapal—ang bansang nagsilang ng isang Gat Jose Rizal.

Amianan Balita Ngayon