KAKAIBA talaga ang uri ng init na ating nararamdaman ngayong panahon. Abril na nga naman, bakit parang lampas-bubong ang temperature? Nanunuoot sa buto-buto. Pawis ay tagaktak. Buo-buo kung naglalaglagan, na tila luhang buong layang humuhulagpos. Lubhang tumataas ang temperatura saan man bumaling. Sa ilang dako ng
Pilipinas, umaabot ang heat index ng lampas 45 degrees C, palatandaan na ang tagtuyot ay ngayon na at walang
makapipigil. Abril na nga naman, bakit gayun pa rin ang init ng panahon? At tila napakinggan an gating hinaing, nitong huling mga araw, umulan.
Hindi gaanong malakas, pero sapat na upang madiligan ang natutuyuang lupa. Anbg mga patak ng ulan, hindi man
hinlalaki ng daliri, tamang-tama lang upang kahit papaano ang lupang nagbibiyakan na sa tindi ng panahon ay unti-unting kumakawala sa himpapawid. Abril na nga naman, panahong tuwing hapon ay naibabalik ang ganda at gayuma ng Baguio. Iwas-heat stroke daw at sa kapatagan ng Maynila, tila mala-impyerno ang naiimbyerna sa tindi ng tag-init. Kaya naman, ang mga naiinitan, kaliwa’t kanan ang mga ginagawa upang kahit papaano, maibsan ng ilang bahagdan ang init sa katawan.
Heat Index ang tawag doon, isang pamantayan ng pagsukat ng init ng katawan. Kaya naman, dapat hindi pinababayaan na matuyuan ang katawan. Iwas heat stroke. Laging uminom ng tubig. Bigyang panlamig ang
katawang hindi dapat maagnas sa init ng panahon. Ang barbero ko nga, ibang klase naman ang pamatay- init. Magpalamig, huwag lamang manlamig. Pasensyahan na natin, kasi tila napag-iwanan sya ng buwan. Akala yata,
Pebrero pa rin. Buwan ng pagmamahal, Ang sagot ko naman, ang mga nakaraang buwan, pati na ang nasundang
Marso, ay para sa mga nagmamahalan. Bigas, sibuyas, kamatis, gulay, isda, karne.
Pati bawang na, lampas-bubong na rin. Ang P20 kada kilo na bigas, ayun, hanggang ngayon nasa balag pa rin ng imposible. Kunsabagay, dahil sa pagmamahal, kaya kailangan magpainit. Init ng haplos. Init ng yakap. Init ng yapos. Dapat ba ang mga itong pagpaparamdam sa panahon ngayong tag-init. Para sa mga nagmamahalan, silang mga
kandaugaga, halos mawalan ng malay at pag-iisip, sila lamang ang binibiyayaan na maging isa kahit na dalawa. Sa mga nagiisa namang ipinagdiriwang ang kanilang pakikiisa, kahit na nagiisa, eh ano nga naman, may buhay pa rin kahit na nag-iisa. Pwede pang dumalawa. O maging tatlo kung tawag ng panahong paiba-iba.
Ang siste lamang, kung sobra ang init, ganun din ang init ng pusong nagmamahal. Ganoon ba talaga ang magmahal? Ganoon ba kasakit, lalo na kung nag-iisang nakikiisa? Sabagay, hindi lamang pagmamahal na galing sa puso, isip at diwa ang nangibabaw, hindi ba? Pati nga mga bagaybagay nakikiisa sa panahon ng pagtaas ng presyon. Ang tawag
diyan ay alta presyon na nagsimula sa sobrang atensyon dahil sa atraksyon. Ganito na nga siguro ang timpla ng tag-init, lalo na sa pagmamahal. Kapag nandyan na, tuloy-tuloy ang agos. Tuloy din naman ang daluyong sa buhay, na dulot ng patuloy na pag-inog ng hindi matatawarang pagmamahal.
Paano nga ba hihimayin ang mga hinaing ng sambayanan kapag umaagos ng walang balakid ang pagmamahal ng mga bagaybagay? Kung puso ang tatanungin, hayaan lamang. Hindi ba’t galing sa puso ang magmahal? Kung pag-iisip naman ang mamamayagpag, kelangan ngang pagtuunan ng masusing pansin. Bakit ang pagmamahal ay sinusukat sa halaga, at hindi sa kung ano ang nararamdaman? Nasa presyo ba, at walang kwenta na ang halaga? Kaya naman, laging itinatanong ng barbero ko: Gaano na nga ba kadalas ang minsan? Kailan ba dapat bigyan
ng tamang babala ang mga mamamayan sa sitwasyon ng sobrang tag-init?
Ang siste, kailangan laging dinidilig ang naitanim. Dapat lamang, dahil kung hindi, malamang na huling hangganan
ang sandaling wala man lamang naiwisik na pantawid-buhay, lalo na sa isang halamang binubuhay ng alaga, ng
atensyon, maski na ng tensyon. Kaya naman, napapanahon na ating tanungin ang ating mga sarili: Dadalasan pa ba natin ang mga minsanang nangyayari? Hindi maitatatwa na minsan lang na pinaiiral ang mga pagpaparamdam ng init. Dalasan pa sana natin na mismo ang puso ang magdeklara na eto, sya na nga, ang itinitibok ng pusong inaaruga,
inaalagaan, sinasamba.
Sa panahong umiinit ang panahon, kailangang iwasan lamang ang panlalamig. Ito ang hamon sa mga pagkakataong pagmamahal ang usapin hindi lamang ng puso kundi pati na ang isipan. Dahil sa tiwala, ang lahat ay magaganap, anuman ang hamon, anuman ang panahon, anuman ang pagkakataon. Higit ano pa man, lalo na sa panahon ng tag-init.
April 13, 2024
September 15, 2024
September 15, 2024
September 15, 2024
September 15, 2024
September 15, 2024
September 15, 2024