Nagsimula ang paglaganap ng “ayuda” sa panahon ni dating Pangulong Gloria Arroyo na ipinagpatuloy ni yumaong dating Pangulo Benigno Simeon “Noynoy” Aquino III nang ipatupad ang dalawa sa pinakamalaking social assistance programs ang Pantawid Pamilyang Pilipino Program (4Ps), ang kauna-unahang “conditional cash transfer” program ng gobyerno, at ang rice subsidy program ng National Food Authority, isa sa pinakamatagal na food-based social assistance programs ng bansa na may pagtuon sa pag-target sa kahusayan at mga benepisyo sa mga mahihirap.
Ang layunin ng programang CCT, na mayroong malinaw na mekanismo sa pagta-target sa kahirapan na nakapaloob sa programa ay upang magbigay ng panandaliang tulong na salapi sa mahihirap na sambahayan habang tumutulong sa pagpapalakas ng human capital ng kanilang mga anak na may pangmatagalang pananaw na maputol ang siklo ng kahirapan. Ang layunin ng rice subsidy program ay matiyak na ang mababang presyo ng bigas ay makukuha sa mga pamilihan sa lahat ng mga mamimili.
Gamit ang benefit incidence analysis survey noong 2009, ipinakita ng mga resulta na ang parehong mga programa ay higit na nakikinabang ang pinakamahihirap na sambahayan. Ito ay may mga implikasyon para sa programa ng CCT dahil ang programa ay inilunsad lamang na may limitadong saklaw noong 2008. Sa kabila ng pagpapatupad ng isang taon ayon sa nakuha ng datos, ang programa ay umabot na sa 12.4 porsiyento ng mahihirap sa sambahayan noong 2009. Bukod dito, humigit-kumulang 71 porsiyento ng mga benepisyo nito noong 2009 ay kabilang sa pinakamahihirap na 20 porsiyento ng populasyon.
Marahil sa nakitang malaking epekto at tagumpay (kung maituturing natin) ng conditional cash transfer (CCT) ay nakita ito ng mga sumunod na gobyerno lalo na ng mga mambabatas at politiko na malaking tulong ito hindi lamang sa mga mahihirap na Pilipino kundi pati na rin sa kanilang mga pansariling interes at tila nagamit nga itong isang “armas politikal”. Iminungkahi rin ng World Bank noon na dapat isama ang CCT sa iba pang mga programa upang mapabuti ang kalidad ng suplay ng mga serbisyong pangkalusugan at edukasyon, at dapat magbigay ng iba pang mga serbisyong pangsuporta.
Marahil, kaya dahil dito ay linikha na ang maraming bersiyon ng mga ayuda, na bagamat inuulan ng mga puna at pagdududa ay nagpapatuloy pa rin. Sumikat pa lalo ang ayuda sa panahon ng pandemya ng COVID-19. Kaugnay ng mainit na usapin sa ayuda ay naglabas ng pahayag si Baguio City Mayor Benjamin Magalong kung saan tahasang pinuna niya at ibinunyag ang “sistema” ng pamumudmod ng ayuda ng mga mambabatas partikular ang Ayuda sa Kapos ang Kita Program (AKAP), Assistance to Individuals in Crisis Situation (AICS), at Tulong Panghanapbuhay sa
Ating Disadvantaged/Displaced Workers kung saan tila inaaari nila itong sariling pera nila.
Nakikinabang daw ang mga mambabatas sa tinawag ni Magalong na 7-7-7 scheme na kung saan sa bawat pagsama ng isang kongresista sa sa mga lakad ni Speaker Martin Romualdez ay nabibiyayaan ito ng pitong milyong piso kada sama/kada programa. Dahil sa pahayag na ito ng alkalde ay binatikos din siya sap ag-atake sa programa ng gobyerno na nagbibigay ng karagdagang tulong pinansiyal sa mga mahihirap na residente ng lungsod. Sinabi ni Rep. Mark Go ng lone district ng Baguio City na dapat isipin at pakialaman ng mga local chief executives ang kanilang mga sariling trabaho at hurisdiksiyon at suportahan ang anumang tulong na ibibigay ng gobyerno.
Limitado daw ayon kay Go ang kanilang tungkulin sa pagpapadali sa mga programang ito ng tulong ng gobyerno, na mahigpit na ipinapatupad alinsunod sa batas at umiiral na mga alituntunin. Bawat piso daw ay nagagamit para lamang sa benepisyo ng mga nangangailangan. Ayon naman sa DSWD, hindi raw posible na ang mga mambabatas ng mamumudmod dahil DSWD mismo ang namamahagi ng pondo para sa AICS at AKAP. Ginagawa daw ito sa pamamagitan ng kanilang mga social workers, at ganundin daw sa DOH at DOLE. Sa kaganapan, maliwanag naman na may bahid politika ang bawat galaw at pahayag ng mga politiko, huwag na nating itanggi ito at huwag maging ipokrito. Walang sinumang politiko ang humawak sa palayok na hindi nauulingan.
Hanggang sa makamit ng Pilipinas ang balanse sa pagitan ng pagtiyak ng matatag na paghahatid ng serbisyong panlipunan at pagpapasigla ng ekonomiya, maraming Pilipino ang patuloy na aasa sa gobyerno, kapwa pambansa at lokal, upang suportahan ang kanilang mga pangangailangan upang mabuhay. Kinakailangan ang ayuda upang matugunan ang paunang pagkabigla, ngunit kailangang mapabuti pa ng gobyerno ang diskarte nito. Kailangang galugarin at gawing institusyonal ng gobyerno ang mas maagap at pangmatagalang mga aksiyon tulad ng
paglikha ng naaangkop na trabaho at mga oportunidad sa kabuhayan upang umakma sa mga hakbang nito sa pangangalaga sa lipunan. Pagkatapos lamang ay magkakaroon ng kumpiyansa ang mga tao na lakbayin at suungin ang mga di-katiyakan sa socio-economic dulot ng patuloy na kahirapan.
January 12, 2025
January 12, 2025
January 4, 2025
December 28, 2024
December 22, 2024
December 14, 2024