Babaeng dalawang beses nagnakaw, kalaboso

Kalaboso ang babaeng dalawang beses nagnakaw sa pagitan ng 5pm hanggang 6pm ng Hulyo 12, 2018 sa magkahiwalay na insidente sa Dap-ayan Building, General Luna Road at 2nd Mabini Shopping Center parehong sa lungsod ng Baguio.
Kinilala ang suspek na si Adeluisa Banggis Toralde, 47, single at residente ng Kalkalan, Pinsao, Baguio City.
Sa reklamo ni Grace Mumar Casuga, negosyante at residente ng Dekkan Subdivision, Longlong, Puguis, La Trinidad, Benguet, bandang 5pm ng nasabing araw nang nakawin ng suspek ang itim na wallet na nakalagay sa bag ng biktima at naglalaman ng identification cards at perang nagkakahalaga ng P6,000 sa iba’t ibang denominasyon.
Naganap ang insidente sa 2nd Mabini Shopping Center, nasabing lungsod.
Bandang 6pm ng parehong araw nang makatanggap ang biktima ng ulat na nabawi ang kaniyang wallet mula sa suspek kung kaya nagpunta ang biktima sa Station 7 ng Baguio City Police Office. Kinilala ng biktima ang wallet na sa kaniya at lahat ng nilalaman ay kumpleto maliban sa perang P6,000.
Bandang 5:40pm ng parehong araw, naganap ang insidenteng pagnanakaw sa loob ng Jerry Salon sa Dap-ayan Building, General Luna Road sa lungsod sa reklamo ni Rowena Dangayo Pocte, 38, residente ng Supang, Poblacion, Itogon, Benguet, laban sa parehong suspek.
Sa imbestigasyon, nagpunta ang suspek sa billiard hall kung saan nagtatrabaho ang biktima at ninakaw ang asul na ladies’ wallet na nakatago sa bag ng biktima na naglalaman ng perang P1,000, mga ID at ATM card. Naaktuhan ito ni PO3 Patrick Lamog na nasa lugar upang magsagawa ng surveillance kung kaya inaresto ang suspek at narekober ang mga gamit ng mga biktima.
Dinala ang kaso kay Inquest Prosecutor Margarita Manalo at nagbigay ng preliminary disposition para sa detensyon ng suspek sa Baguio City Jail.

Amianan Balita Ngayon