Backyard gardening, isinusulong ng DA sa lungsod

Isa sa mga tinututukan ng Department of Agriculture-Cordillera sa pagdiriwang ng nutrition month ngayong Hulyo ay ang mahikayat ang mga residente sa lungsod na ugaliing magtanim ng gulay at mga prutas sa kanilang likod-bahay.
Sa naganap na kapihan sa Gestdan Centrum noong Hulyo 4 sa temang “Ugaliing Magtanim, sapat na Nutrisyon aanihin”, sinabi ni Candice Willy, nutritionist-dietitian ng Department of Health-Cordillera, maganda ang idinudulot ng pagkain ng gulay; nakatutulong ito sa mga buntis, bata at matanda.
Aniya, hindi lamang kalusugan ang rason kung bakit hinihikayat ang mga residente na magtanim dahil pwede rin itong pangkabuhayan at makakatulong sa gastusin sa pagkain araw-araw.
Mahigit 15 barangay na sa lungsod ang nakitanim at gumawa ng gardening area sa kanilang lugar. Magbibigay naman ang DA-CAR ng mga libreng seedling at pagsasagawa ng mga training at seminar kasabay ng pagmomonitor nila sa mga tahanan kung may paglalagyan ng mga itatanim.
Hinihikayat din ng ahensya ang mga nabigyan na palaguin ang mga seedlings upang maibahagi rin sa mga kapitbahay na gustong magtanim. Para naman sa mga walang pagtataniman sa kanilang mga tahanan dahil sementado o kaya ay walang espasyo, maaaring gumamit ng mga recycled materials tulad ng plastic bottles, container na hindi na ginagamit o paso.
Payo naman ni Jane Abanag, urban gardening practitioner, na magtanim ng gulay na mahaba ang lifespan tulad ng talong, pechay, sili at marami pang ibang gulay na puwedeng itanim.
Aniya, hindi lamang niya ginagamit na sa araw-araw na pagkain ang mga gulay at prutas na itinatanim niya sa likod bahay nila kundi isa rin ito sa pinagmumulan ng kanyang pangkabuhayan. FRIA PILORIN, UC INTERN / ABN

Amianan Balita Ngayon