BAGONG KASO

KAKAUMPISA pa lang ng taon na brand-new pa naman, ginulantang na naman tayo ng
dumadagundong na pagkabahala dahil sa isang balitang rumaragasa pa mandin. Dali-dali nating ginalugad ang iba pang pinagmumulan ng balita, na may suspetsang Fake News. Ang siste kasi, sa mga panahon ngayon at noon pa man, biglang celebrity status si Marites, kabi-kabila ang tsismis
na umamatikabo, at daig pa ang barangay fiesta kapag umikotikot na ang latest.

Ano nga ba ang totoo, ang medyo totoo, at ang sinasabing totoong-totoo. Ilang saglit lang, beripekado naman ang pinakahiling update tungkol sa pandemya. Ilang buwan na rin nating ikinikibit ang balita tungkol ke covid, dahil nga ang pambansang pansin ay nasa pag-angat ng ekonomiyang sinalanta ng higit sa dalawang taon.

Nang walisin ang kautusan ng pag-susuot ng face mask kapag nasa labas ng bahay, naging signos pa ito ng tuluyan at dumidiing paniniwala na patapos na si covid. Kaya naman, kagabi ng Byernes, habang pahilahilata tayong ninanamnam ang mga kaganapan sa itatanghal na Miss Universe, ay biglang pumasok ang balitang halos 5,000 katao ang nasasawi araw-araw sa Tsina, dahil sa paglobo ng biglaan sa naturang estado. Aba eh kalaki-laki ng Tsina, nasa higit 2 bilyon ang populasyon,
ano ba ang katiting na pagbawas sa kanilag hanay ng masasabing katiting na guhit lamang.

Daglian namang humigpit ang restriction sa mga byaherong galing Tsina sa ilang mga bansa, sa ‘Merika, sa Europa, at iba pang lugmok na sa paglaban ke covid. Bakit nga ba nagkaroon ng panibagong pangamba? Sabi ng mga ekspertong hindi maubusan ng paliwanag, at maging ang mga
marurunong at nakaaalam sa atin, baka ito na ang Final Surge, ang binabansag sa mga huling
hininga ng aanghap-anghap na si covid sa ating mundo.

Ang mga bagong kaso, patuloy na bumubulosok sa Tsina. Napakalapit pa naman ng mga Intsik (at maging mga Pinoy) sa ating paliparang lumigwak kamakailan dahil sa hanggang ngayon ay hindi
maipaliwanag na aberyang sing laki ng kalawakan. Safe distancing? Paano kung, ilang oras lang, nasa Pinas na ang mga byaherong galing duon? Idagdag pa ang mga Tsinong tanging hangarin ay masilayan ang kaabaan ng ating kalagayang nasa balag ng alanganin ang pananaw kapag sibuyas ang pinag-uusapan.

Okey, okey, merong mga bagong kaso sa araw-araw dito sa Pinas. Aba, 3,000 lang na naidagdag, tumataas na ang inyong kilay? Noong kasagsagan ni Delta, isang napakatinding variant, taong
2022 iyon, di ba? 30,000 higit pa ang itinataas ng mga kaso. O, hindi ba’t ipinagkibit-balikat lang ang mga numerong iyon? Bagong kaso, sa kasalukuyan, ay nasa ibaba na ng 1,000 per day nationwide. Sa Baguio nga, ilang araw ng 2, 4, 6 ang lebel ng insidente ng hawaan. Sabi nga ni Mayor Benjie, isinisinga na lang ang ganyang sitwasyon.

May araw na wala ng kasong maililista, at si covid at tatanghaling nakabaon ng tuluyan, at nagiging endemic na sakit tulad ng trankaso at pneumonia. Tuloy ang pag-ahon, ang pagbangon natin. Iwaksi na ang mga Marites at Mirasol dyan, na walang patumanggang naglulubid ng kung anu-ano tungkol kay sinosino. AngatTayoBaguio. Sa turismo at negosyo, may asenso. Sa edukasyong de
kalidad, lumalabas ang abilidad.

Amianan Balita Ngayon