BAGONG PILIPINAS – PANAHON NA NG PAGBABAGO!

Iniutos ng Malakanyang sa lahat ng pambansang ahensiya ng gobyerno at mga instrumentalidad, kasama ang mga government-owned or controlled corporations GOCCs) at mga institusyong pang-edukasyon na isama ang pag-awit sa himno ng Bagong Pilipinas at pagbigkas ng Panata sa pagasagawa ng lingguhang flag ceremonies. Ayon sa Palasayo, layunin ng nasabing hakbang na itanim ang mga prinsipiyo ng Bagong Pilipinas sa mga manggagawa sa gobyerno. Kaakibat nito na kailangang siguruhin ng lahat ng mga pinuno ng lahat ng pambansang ahensiya ng gobyerno at mga instrumentalidad na ang Himno ng Bagong Pilipinas at Panata ay maayos na maipamahagi sa kani-kanilang mga institusyon at mga opisina.

Inatasan din ang Presidential Communications Office na ipatupad ang epektibong mga pamamaraan upang maipaalam at maipamahagi ang Himno ng Bagong Pilipinas at Panata sa lahat ng opisina ng gobyerno at sa publiko. Inilunsad ng administrasyon ang Bagong Pilipinas bilang isang tatak ng pamamahala at pamumuno sa pag-utos sa lahat ng pambansang mga ahensiya ng gobyerno at mga instrumentalidad, kasama ang Government-owned or Controlled Corporations GOCCs) at mga state universities and colleges (SUCs) na gagabayan ng mga prinsipiyo ng Bagong Pilipinas. Ang Bagong Pilipinas ay kakikitaan daw ng isang maprinsipiyo, may pananagutan at maaasahan na gobyerno at pinalakas ng pinag-isang mga institusyon ng lipunan.

Pinapangarap nito na bigyan-kapangyarihan ang mga Pilipino na suportahan at makilahok sa lahat ng pagsisikap ng gobyerno sa isang all-inclusive na plano tungo sa malalim at pundamental na panlipuna at pang-ekonomiya na pagbabago sa lahat ng sektor at gobyerno. Sa Section 18 ng Republic Act (RA) No. 8491 o ang “Flag and Heraldic Code of the Philippines” ay inuutusan ang lahat ng mga opisina ng gobyerno, kabilang ang mga local government units (LGUs), na magsagawa ng isang flag raising ceremony tuwing umaga ng Lunes at flag lowering ceremony tuwing hapon ng Biyernes. Ang Memorandum Circular (MC) No. 52 ay inisyu ni Pangulong Marcos Jr. noong Hunyo 4 at nilagdaan ni Executive Secretary Lucas Bersamin na magiging agarang epektibo ito.

Gaya ng inaasahan umani ng iba’t-ibang reaksiyon at opiniyon ang nasabing direktiba ng Malakanyang. Nanawagan ang ACT Teachers Partylist sa Pangulo na bawiin ang kautusan at sinabing ito ay “pansariling-pagsisilbi” at latak ng martial law. Ang MC 52 ay pagtatangka daw na doktrinahan ang mga manggagawa ng gobyerno at ang kabataan sa tatak ng “Bagong Lipunan” at ibahin ang kasaysayan kung saan ang “Bagong Lipunan” ay pangunahing tema ng kaniyang ama (Marcos Sr.) sa panahon ng rehimen ng batas military noong 1970s. Sa halip daw na gumawa ng propaganda ang administrasyon ni Marcos ay mas mabuting mag-isip na lamang ng mga solusyon na tutugon sa mga problema ng mamamayan lalo na ang mababang sahod at mataas na halaga ng mga bilihin.

Ayon naman sa grupong Teachers Dignity Coalition (TDC) ang pambansang awit na “Lupang Hinirang” ang mas angkop na awit para sa mga flag ceremony at binatikos ang direktiba ng Malakanyang na isa itong impraktikal, at hindi mahalaga na isa lamang politikal na propaganda. Inatake naman ng Makabayan bloc ang Pangulo na ginagaya ang kaniyang ama at tila ibinabalik ang batas militar at sinabing mas mabuting panatilihin na lamang ang “Lupang
Hinirang” at “Panatang Makabayan”. Sa kabilang banda ay inatasan naman ni Sanate President Francis Escudero ang Senate Secretariat na pag-aralan kung kasama ang Senado sa kautusan dahil ang Senado, Kamara, Korte Suprema at mga constitutional commissions ay independiyente sa sangay ng ehekutibo kaya naniniwala siyang ang MC 52 ay sakop lamang ang mga opisinang nasa ilalim ng sangay ng ehekutibo, bagaman wala naman siyang nakikitang masama o mali kung isasama ang bagong himno sa flag raising ceremony.

Naniniwala naman si Senate Minority leader Aquilino Pimentel III na sa isang executive order lang ay hindi sapat na amiyendahan ang umiiral na mga batas na sumasaklaw sa pambansang awit at panata sa mga seremonya ng pagtataas ng bandila. Kaugnay nito ay iminumungkahi niya sa Sangay ng Ehekutibo na magsumite ng isang panukalang batas na naglalaman ng mga ideya upang amiyendahan ang mga umiiral na batas. Sinabi niya na hindi dapat isinama ang mga estudyante sa pag-awit ng himno ng Bagong Pilipinas at panata dahil hindi naman sila mga empleyado ng gobyerno at nasanay na sila sa kasalukuyang gawi.

Habang marami ang naglalarawan sa Bagong Pilipinas bilang isang makabayang himno na nananawagan ng positibong pagbabago, nakikita naman ito ng mga tagasulong ng karapatang pantao na isa lamang propaganda na nagpapa-alaala sa kanila ng mga pangaabuso sa panahon ng martial law. Nahihirapan naman daw ang mga netizen na isaulo ang nasabing bagong awit at panata. Nakakatuwa na marami ang sumisigaw ng pagbabago ngunit ayaw naman sa bagong pambansang awit sa pagbabago. Nakamamangha ring isipin na ang mga kabataan ay madaling gayahin ang mga makabagong awitin lalo na ang mga banyagang musika, mahihilig sa LSS (last song syndrome). Wala naman sigurong masama na maging LSS din ang Bagong Pilipinas di ba? Ang masama ay kung lamunin tayo ng idolatriya.

SHAWAT

Amianan Balita Ngayon