Baguio Country Club waitress, binaril sa ulo

AGAW-BUHAY PA RIN SA OSPITAL

LUNGSOD NG BAGUIO – Patuloy ang imbestigasyon ng kapulisan upang makilala ang salarin na bumaril sa ulo ng isang 21 anyos na dalaga dakong 9:15 ng umaga noong Hunyo 28, 2017.
Agaw-buhay ngayon sa Baguio General Hospital-Medical Center si Jenalyn Libungan Rosimo, 21, single, empleyado sa Baguio Country Club at residente ng Buyagan, La Trinidad, Benguet.
Ayon sa ulat ng city police office, naglalakad umano ang biktima sa Otek Street, harap ng UCCP church, at patungo sana sa sakayan ng jeep papunta sa BCC nang binaril ito sa kaliwang bahagi ng kanyang noo ng hindi pa nakikilalang suspek.
Sa pahayag sa pulis ng kaibigan ng biktima na si Jessica Bayeng Canya-As ay may usapan umano sila na magkita sa sakayan ng jeep upang sabay na pumasok sa trabaho. Habang naglalakad ay nakarinig siya ng putok ng baril na parang nagmula sa kanyang likuran ngunit nang luminga siya sa paligid ay wala siyang napansin na kakaiba kaya tumawid ito sa kabila ng kalsada. Nang makatawid ay dito niya nakita ang biktima na nakabulagta sa sidewalk at duguan ang ulo.
Rumesponde ang pulis ng Station7 at ilan pang yunit ng kapulisan. Sinuyod nila ang pinangyarihan ng krimen at kalapit na lugar upang madakip ang suspek ngunit nabigo ang mga ito.
Agad namang dinala sa ospital ang biktima.
Nakita ng SOCO team sa pangunguna ni PSupt Jaime Rodrigo Leal ang isang deformed fired bullet ng hindi pa malamang kalibre ng baril.
Sa pahayag naman ni Andrew Pinero, customer and corporate communications manager ng BCC, “We continue to gather information on the incident. For the meantime, the club gave financial assistance, the employees are also pitching in, members and their kind hearted residents have also signed their support.”
Kasalukuyan ding kinokolekta ang kuha ng CCTV ng mga kalapit na establisimyento sa pinangyarihan ng insidente para sa posibleng pagtukoy sa pagkakakilanlan ng suspek. MYSTICA LAURETA, UC Intern / ABN

Amianan Balita Ngayon