Baguio Flower Festival 2019 kasado na

Opisyal nang inumpisahan ang preparasyon para sa pamosong Flower Festival o Panagbenga sa lungsod na ito.
Inilunsad ng pamahalaang lungsod ang piyesta sa Pebrero sa paglaan ng P20 milyon para sa pagdiriwang na sa maraming taon ay di-maikakailang naging atraksiyon sa turista para sa Summer Capital ng Pilipinas.
“Panagbenga shall always be Baguio’s grand celebration of life, proud fiesta of the best in our city’s floral wealth, joyfully shared with our visitors and guests for their fullest enjoyment of the best there is in Baguio,” pahayag ni Pangabenga executive committee co-chairman, Councilor Elmer Datuin.
Ang “Panagbenga” na isang salitang Kankanaey na ibig sabihin ay “blooming” o pagmumukadkad ay nalikha noong 1995 bilang aktibidad sa pagbangon matapos ang mapaminsalang lindol noong 1990 sa hilagang Luzon at unang itinanghal noong 1996.
Sinabi ni Datuin na mananatili ang mga tradisyunal na aktibidad bilang pinakatampok sa Flower Festival, bagaman magtatanghal din ang mga unibersidad sa lungsod ng cultural shows na ipapakita ang kultura ng Cordillera.
Ayon pa kay Datuin ay kabilang pa rin sa pagdiriwang ang grand float parade, street dance competition, Session Road in Bloom, at fireworks display na pinakahihintay ng mga residente at mga turista bawat taon.
Sinabi naman ni Mayor Mauricio Domogan, lifetime chairman of the Board ng Baguio Flower Festival Foundation Inc. (BFFFI), na dahil sa pagdami ng turista sa mga huling araw ng Pebrero ay napagdesisyunan ng BFFFI na ibahin ang araw ng grand street dancing at float parades gayundin ang closing program ng festival.
Ang grand street dancing parade at grand float parade na ginaganap sa huling linggo ng Pebrero ay ililipat sa Marso 2 at 3 habang ang weekend ay ang closing program.
Pormal na binubuksan ang flower festival tuwing Pebrero 1 bawat taon.
Binigyang-halaga rin ni Domogan ang importansiya ng pagpapanatili ng public-private partnership sa pamamahala ng mga aktibidad na nakalinya sa 2019 Baguio Flower Festival.
“A full-pledged public-private partnership event for 24 years, the Panagbenga is a proof of the synergy between the government and the private sector, including the city residents who always take part in the highly publicized, biggest crowd drawing event in northern Luzon that attracts tourists from many countries around the world,” pahayag ni Mayor Domogan.
PNA/ABN

Amianan Balita Ngayon