BAGUIO NAGBABANTAY SA KASO NG DIARRHEA

BAGUIO CITY

Pinaigting ngayon ng City Health Services Office ang mga hakbang sa kaligtasan ng tubig at pagkain upang maiwasan ang pag-ulit ng diarrhea o acute gastroenteritis (AGE) outbreak na dulot ng kontaminadong inuming tubig na nakaapekto sa mahigit 2,000 katao noong pagtatapos ng 2023 hanggang sa unang bahagi ng ngayong taon.
Ayon kay Mayor Benjamin Magalong na kailangang doblehin ng lungsod ang mga pagsusumikap sa pag-iwas sa sakit lalo na’t ang pinakamataas na aktibidad ng turismo para sa pagdiriwang ng Pasko at Bagong Taon.

“Sa pagdagsa ng mga tao, tumataas ang pangangailangan para sa pagkain at tubig at habang nagsusumikap ang mga
kumpanya upang matugunan ang pangangailangan, malamang na isasantabi nila ang pag-iingat at mga kasanayan sa kaligtasan. Kaya’t mas mabuting maging maingat tayo upang matiyak na tinutupad nila ang kanilang mga obligasyon sa kaligtasan sa kanilang mga kostumer, kasi baka maharap tayo sa panibagong pagtaas ng mga kaso ng diarrhea.” Nagsimula ang nakaraang krisis sa kalusugan ng pagtatae sa pagtaas ng mga kaso mula Disyembre 26, 2023 at umabot noong Enero 1-7, 2024 na nag-udyok sa alkalde na magdeklara ng outbreak noong Enero 10, 2024.

Ang CHSO sa pamamagitan ng Environmental and Sanitation Division ay nagsasagawa ng pagsubaybay sa inuming tubig na inihahain sa mga food establishments kabilang ang kanilang mga pinagkukunan ng tubig upang matiyak ang ligtas na tubig at paghawak ng pagkain. Ang mga inspeksyon na isinasagawa kasama ang Dibisyon ng Permits and Licensing at ang Public Order and Safety Division ng City Mayor’s Office, at ang Baguio City Police Office ay
sumasaklaw sa ligtas at wastong paghawak, paghahanda at serbisyo ng pagkain; pagsunod sa sanitary at business permits, health certificates, working permit ng food handler, at Presidential Decree 856 o ang Sanitation Code of the Philippines, bukod sa iba pa. Tumagal ang outbreak hanggang Enero 18, 2024 na ang dahilan ay natunton sa kontaminadong tubig mula sa mga pribadong malalim na balon at ilang bulk water delivery company.

Zaldy Comanda/ABN

Amianan Balita Ngayon