Baguio vax hub bubuksan sa mga manggagawa mula sa kalapit na mga bayan ng Benguet

Metro BLISTT

LUNGSOD NG BAGUIO – Magtatayo ang pamahalaang lungsod ng isang vaccination hub para sa mga manggagawa sa mga kalapit ng bayan ng La Trinidad, Itogon, Sablan, Tuba, at Tublay (LISTT) sa probinsiya ng Benguet.

Sinabi ni Mayor Benjamin Magalong sa isang panayam na ipinost ng Public Information Office (PIO) mg lungsod noong Miyerkoles na gagawin nilang isang vaccination hub ang lungsod upang tulungan magbukas ang ekonomiya ng mga kapitbahay.

“Kailangan na rin natin tulungan ang ating mga kapitbahay especially the municipality na adjacent to Baguio sa vaccination,” aniya.

Upang marating ang lungsod na ito, kinakailangan ng isang traveler ng daanan ang limang LISTT na munisipalidad – Sablan via Naguilian Road, Tuba at Itogon via Marcos Highway, Itogon at La Trinidad via Benguet-Vizcaya Road, La Trinidad at Tublay via Halsema highway at ang Benguet- Cervantes Ilocos Sur Road.

Ang limang bayan ay kabilang sa 13 munisipalidad sa probinsiya ng Benguet. Sinabi ni Magalong na ipinagbigay-alam na niya sa mga mayor ng LISTT hinggil sa hakbang.

“Kapag malaki na rin ang na-cover natin doon, we will now shift to the members of their households so magtulungan na lang kasi iisang community lang tayo,” pahayag ng mayor.

Base sa ulat ng Regional Vaccination Operations Center (RVOC) noong Oktubre 12, nangunguna ang lungsod sa pagbabakuna sa rehiyon na may 141,612 ng eligible population nito ang nakatanggap ng buong dose ng bakuna sa Covid-19.

Nasa 208,966 katao ang nabakunahan na ng kanilang unang dose ng bakuna at naghihintay para sa iskedyul ng kanilang pangalawang dose. May 20,772 din ang tumanggap ng single-dose na bakuna.

Sa rehiyon, 404,875 katao ang lubos nang nabakunahan ng two-dose o single-dose na brand ng bakuna.

“We are leading in terms of vaccination and we have more capacity to get more vaccines, tutulungan na rin natin sila,” ani Magalong.

Idinagdag niya na ipinagbigay-alam na niya sa Department of Health-CAR at kay vaccine czar Secretary Carlito Galvez ang plano ng lungsod na gawin ang lungsod na isang vaccination hub para sa kalapit na mga munisipalidad.

(LA-PNA/PMCJr.-ABN)