Bakit may kumakapit sa patalim?

Daplis Walang Mintis Editorial

Talamak na sa ating nagisnang lipunan ang kasabihang “ang kumakapit sa patalim ay sa patalim din sisingilin”. Tugma rin ang sabi nila na “ang kumakapit sa utang, sa utang din malilibing”.

Marami pang kauri ang mga katagang yan na kung susuriing maigi ay may lohika at makatotohanan. Bagama’t may mga pasubali ng mga pilosopo na “ang taong kumakapit sa patalim, namamatay sa baril”, at ang taong kumakapit sa utang, patay kapag di nagbayad.

Sa realidad ng buhay sa ngayon, nakakatuwa’t nakakainis ang mga nagaganap. Subukan nating himayhimayin mga pards.
******
Sabi nila, ang mga magulang ang unang guro ng ating mga anak. Ang turo nila ang unang nauukit sa kanilang pondasyon sa kanilang paglaki. Madadagdagan ang aral at gabay sa mga bata sa pamamagitan ng mga tunay naguro sa mga paaralan. Ang masaklap, kung mali ang kinagisnang turo ng mga magulang, hirap ang mga guro upang ito ay ituwid.

Ang masakit, baka ang guro pa ang ituturo ng mga magulang na mali ang pondasyong itinuro sa mga anak at may pagkukulang.

Haayy, buhay nga naman. Ang mga guro na nagsunog ng kilay upang maituro ang tama sa kamulatan ng mga bata, sukdulang buhay nila ang katumbas.

Sila pa ang parang nilalang sa lipunan na tampulan ng puna at kawalan ng tiwala. Kung bakit, ay dahil sa panuntunan ng isang sosyodad at hindi tamang kaalaman hinggil sa edukasyon. Di natin inaalis ang katotohanan na sa bawat samahan o organisasyon, meron at merong epal o pasaway. Pero hindi dapat lalahatin.

Sabi nga nila: huwag iparating kay Pedro ang kasalanan ni Juan.
******
Ang pinakahuling batik na diumano ay kagagawan ng isang lalaking guro ay nalathala kamakailan. Ayon sa isang negosyanteng si Don Bagatsing sa Maynila, may isang 16-anyos na estudyante ng Tondo High School ang lumapit sa kanya at nagpapatulong. Hinalay diumano ng isang guro ang estudyante. Dahil sa wala pang pormal na reklamo, nakalalaya pa ang inirereklamo.

Sa puntong ito, sa ganang akin, kung totoo ang nakaririmarim na sumbong na ito, dapat ay nasa korte na upang maaksiyunan. Ang masakit ay kung gusto lang sirain ang imahe ng naturang guro, na malaki ang tsansa na pupuwedeng mangyari. Pupuwede ring totoo ang naganap, di ba? Dapat ay dalhin ni Mr. Bagatsing ang usapin sa tamang tanggapan upang maimbestigahan at malaman ang katotohanan at umiral ang hustisya.

Walang pinag-iba ito sa isang ulat na sinampahan daw ng kaso si U.S. President Donald Trump ng kanyang dating campaign staff dahil daw sa sapilitang paghawak sa maselang bahagi ng katawan nito at paghalik.

Naganap daw ito noong Agosto 2016 sa Florida, ayon kay Alva Johnson. Kasama sa isinampang kaso ni Alva ang hindi tamang
pagpapasuweldo ni Trump. Ano ang sumunod na eksena? Pinabulaanan ng kampo ni Trump ang akusasyon at handa umano silang harapin ang kaso sa korte. Tsk tsk, nakita ninyo ang naibubunga ng basta akusasyon?

Dapat ay dalhin sa korte at alamin ang tama at mali. Ang masakit, nakaladkad na ang dangal at reputasyon ng mga taong sangkot, di ba? Haayyy, ano kaya ang dapat na parusa sa mga taong magaling gumawa ng “fake news” at gusto lang manira? Firing squad? Sige!
******
Ang pinakamasaklap na pangyayari ay sa buhay ng isang guro sa isang paaralang elementarya ng Minglanilla, Cebu na si Neler Tagpuno Jr. Siya ay inaresto ng PNP dahil sa pagbebenta ng illegal
na droga. Ang rason ng guro: laging delayed ang suweldo. Tsk tsk! Ang masaklap pa, ayon kay Presidente Duterte, wala pang budget sa umento pero magkakaroon din sa tamang panahon. Kailan kaya? Sana buhay pa ang mga kawawang guro pag dumating ang karampatang sahod. Batobato sa langit. Adios mi amor, ciao, mabalos.