BALIK NORMAL

ANUMANG ARAW mula noong mga tatlot, apat na buwan na ang nakalipas, walang pagkabahala na uminog ang isang mundong bumabangon sa pagka-lugami ng higit sa dalawang taon ng pandemya.
Kadalasang taghoy nga noon, habang ikinakampanya ang dagliang pagbakuna mula nitong Pebrero ay paano malalampasan si covid-19. Ito ay isang bagay na panaghoy ng isang sambayanang lugmok na
sa hirap.

Isang sektor na lubhang pinadapa ni covid-19 – anuman ang variant na umiiral – ay ang turismo. Habang kasagsagan ang pananalasa ni Delta, ibinabalangkas din ng mga sektor sa turismo ang masusing pagbangon mula sa siphayong dulot ng pandemya. Dito nga nailunsad ang kampanyang AngatTayoBaguio, isang malawakang pang-enganyo sa mga manggagawa at negosyanteng nasa turismo na bumangon, umahon sa pagkakadapa, at sa isang mabilisang agos ng buong pagkukusa, ay makatayo sa sariling paa at tuhod.

Malaking kontribusyon ang hindi maikakaila na ibinabahagi ng turismo sa paglago ng ekonomiya. Bago pa
man manalasa si covid-19 Marso noong 2020, ang turismo ay una o pumapangalawa sa mga sektor ng ekonomiya na siyang bumubuhay sa lungsod, isang mahalagang ambag sa pagpapayabong ng ekonomiya. Hindi matatawaran ang pondo na nahihigop ng gobyerno local upang matustusan ang mga
mahahalagang pangangailangan ng sambayanan.

Balik-tanawin natin na sa kasagsagan ng pandemya, nilugmok ni Covid, sa pamamagitan ni Delta ng taong 2021, ang industriya ng turismo. Maraming negosyo, malaki man o maliit, ay hindi nakayanan ang
pagiging bukas. Kailangan silang mamahinga aty manatiling sarado sa mga pangaraw- araw na operasyon, dahil na rin sa mga pagbabawal sa byahe, sa ere, sa lupa, at maging sa dagat at ang mga
malawakang paghihigpit sa loob o labas man ng mga gusali.

Ang mga manggagawa naman ay napilitang mamahinga na rin muna, habang ang pangunahing pansin ay ang kalusugan at kaligtasan. Napakatindi ng dagok na idinulot ni covid-19, lampas 4 na bilyong peso ang naglaho dahil sa pagkakasuspindi ng turismo sa Baguio. Lampas 2 taon nalugmok ang turismo at ang mga nasa ilalim nito, mga ordinaryong manggagawa, mga artista, alagad ng sining at mga obrero na nagtratrabaho sa iba’t ibang sub-sector ng industriya. Lahat ay kanilang tiniis, bukas-palad na inialay
ang sariling kahihiyan, mayron lamang pang-tawid pamilya na mahuhugot.

Lahat ay nagtiis habang binabalangkas ang malawakang pagbangon. Sa pinagsamang puwersa na pinangunahan ng Baguio Tourism Council ay kanilang naluwagan ang mundo ng turismo, Sa mga sumunod pang mga araw, lalo na ang dulo ng linggo, ay bumalik ang mga turistang sobrang pinasabik ng
mga natatanging atraksyon ng Baguio. Ito ang pinaghuhugutan ng BTC upang pulungin sa isang okasyon ang mga miyembro, individwal man o institusyonal, pribado man o publikong kasangga sa pagsulong ng turismo.

Walang duda na kailangang buong puwersa na, kasama ng gobyerno local, ang sama-samang nakatuoon sa tuluyang pagbangon ng industriyang ilang dekada ding nagbigay sigla sa lungsod tuwing panahon ng mga pagdiriwang na kasama ang buong sambayanan, umiindak, umaawit, at sinasabayan ang bawat pilantik na tungo sa kalangitan. Kapansin-pansin ang panibagong sigla at enerhiya na damang-dama habang ang iba’t ibang sektor ay kandaugagang nagbubungguang dila, maipahayag lamang ang
pagnanasa n asana ay tuloy na tuloy na ang pag-ahon mula sa hirap, sakit, dagok, at hampas ng pandemya.

Iba na ngayon ang hanging humahampas sa bawat mukha. Hindi na bantulot ang pag-asang araw na lamang ang binibilang upang maibaon na ang pandemya at maging endemic na lamang ito, tulad ng mga sakit na kumakapit sa sambayanan, mga karamdamang meron ng mga bakunang palagiang itinuturok
sa mga braso. Magandang senyales ito upang maibalik ng tuluyan ang sigla at saya sa pag-ahon at
pag-bangon. Ang pag-asang hindi na muling gagambalain ng isang covid-19 ang buhay at pamumuhay ng bawat Pilipino, ng mga taga-Baguio, at lahat ng nagnanasang mabisita ang lungsod habang ito ay iniaahon ng pinasiglang mundo ng turismo.

Balik Normal Sa Bagong Umaga. Iyan ang itutulak ng AngatTayoBaguio. Kaya naman, habang isinusulong
ang panibagong enerhiya, hindi dapat masamain ang panawagan na kumpletohin ang pagpapabakuna at paglaan ng braso para turukan ng booster shots. Hindi lamang isa kundi dalawa. Ang hiyaw ng bumabangong turismo: Now na.

Amianan Balita Ngayon