NITONG A-DOSE buwang kasalukuyan, ginanap ang eleksyong local at nasyonal. Siguro naman, natuyo na ang mga luhang bumuhos – ang marami ay galing sa mga matang namighati dahil hindi pinalad, at ang ilan naman galing sa mga pinalad na mabiyayaan ng boto at suporta ng mga mamamayan. Sa mga panahong ito, nakagagalak na ang mga magkakatunggali ay tila mga magkakapatid na nagkaroon
lang ng konting sigalot dahil sa halalang dumaan. Masaya nilang ipinagdiwang ang mga nagtagumpay. Walang bahid lungkot maging ang mga hindi pinalad na mahalal ng bayan. Kusang loob silang nagyakapan, tila mga magkakaibigan na kay tagal ding pinaghiwalay – hindi ng panahon ng pagkakawalay sa isa’t isa, kundi ng panahon na naging magkatunggali sa mga posisyon ng panunungkulan.
Isang maipagmamalaki dito sa ating lungsod ang rekonsilasyon na naganap sa mga nagkalaban sa pulitika. Ang makitang magkayakap ang nag mga karibal ay palatandaan ng pagiging magkaibigan. Ang relasyong ito ang siyang maipagmamalaki sa Baguio – sa panahonng pulitika ay bakbakang umaatikabo, ngunit sa panahong nagtapos ang halalan ay tila mga magsing-irog na hinayaang humulagpos ang
damdaming pagiging taga-Baguio. Magandang halimbawa ang pinairal nitong nakaraang eleksyon. Gayung ang kampanya ay naging napakainit – hanggang ngayon ay atin pa ring naririnig ang mga maanghang na mga pananalita sa kampanyang ginanap.
Gayung ang mga pangyayari ay nadungisan ng mga hindi kanais-nais na mga kaugaliang sa ibang mga lugar lamang nagaganap. Ngunit sa Baguio, ang makita ang mga magkakatunggali na nagyayakapan ay patunay na ang pulitikang namayani sa panahon ng kampanya ay
panandalian lamang. Hindi magiging hadlang kailanman ang mga init ng damdaming humulagpos, ang mga sakit ng mga naibigkas mula sa entablado, na ilang gabi at araw ding nagdulot ng pait at siphayo. Nakatutuwa ang halimbawa na naipakita ng matapos ang bilangan ng resulta. Habang ewalang tigil ang mga palakpak papuri sa mga pinalad na maihalal, ay walang tigil din ang pagpugay na ipinamalas sa mga hindi pinalad, ngunit buong pagpapakumbabang tinanggap ang pagkatalo.
Ngayong tapos na ang halalan, atin ng isantabi ang mga gintong usok ng pagkakawagi at balikatin nan g husto ang tungkuling bayan
ibinahagi ng mga mamamayan. Trabaho muna, saka na ang pulitrika sa muing pagkikita sa susunod na eleksyon. Tatlong taong singkad lamang ang panahon ng paglilingkod. Ito ay mabilis na aagos sa ilog ng panahon na kailanman ay hindi bumabalik. Tatlong taong singkad naman ang hihintayon ng mga maluha-luhang mga kandidato na hindi pinalad at kinapos ng hininga tungo sa katapusan ng linyang bawat
kampanya ay humahaba. Sa paglipas ng kinabukasan, muli na naman nating babalangkasin ang mismong kinabukasan ng lungsod. Kung saan ang direksyon na lalandasin sa loob ng tatlong taon, ito ay depende sa mga bagong halal na mga punong abala sa kasalukuyan.
Saan ang direksyon upang maging handa ang Baguio sa mga paghamon ng kinabukasan na ngayon pa lang ay humahampas sa mga kasalukuyang mga hamon. Mahalaga ang pagpanday ng direksyong nanggaling sa mga naihalal. Nakasalalay sa kanilang mga kamay – sa isip na matalas, sa pusong wagas, at sa espiritung kanilang sinasandigan ng bagong pag-asang bibigyang buhay pa ang Baguio sa mga darating na mga hamon ng pagkakataon. Ano nga ba ang mga pagbabasehan ng ating mga saloobin na nakabase na rin sa mga simpleng pangarap na kailanman ay hindi humuhupa at pumipiglas.? Ito ang katanungang dapat na paglimiin ng sapat upang maging wasto
ang mga babalangkasin ng mga pinalad na nahalal. Kakayahan. Karangalan. Karakter. At karanasang pangsarili na kailanman ay
nakaukit sa katauhan ng mga bagong halal.
Dala ba nila ang mga katangiang hindi kukupas anuman ang panahon, at higit pa kung masusubukan? Nasa kanila ba ang mga katangiang
ito upang manatili tayong nakakasiguro sa ating muling pagsubok sa pamamagitan ng pagboto at pagsuporta sa kanila? Isang mainit na usapin ang isyu ng dinastiya sa pulitika na hindi naiwasang maitanong sa mga magkakatunggali. Ngayong humusga na ang taong-bayan, nakakasiguro tayong hindi na muling ibabandila ang isyung ito sapagkat napakalinaw ng sagot ng halalan. Isang malakas na pagbalahura ang resultang ibinigay na hatol ng bayan. Nasunod ang tradisyong matagal ng umiiral sa pulitikang pang-Baguio. Huwag nawang muling isabuhay ang pangarap na sa iisang pangalan lamang nakasalalay ang karapatang paglingkuran ang lungsod.
Sa mga nagwagi na pinangnuluhan ni Mayor Benjie, isang malakas na pagbati at muling pakikiisa sa tawag ng mabuti at maayos na
pamamahala. Higit pang tumatag ang lideratong ipinamalas – ang pagkakahalal ng Good Governance Alliance, na kung saan anim sa inyong koponan ang nahalal na konsehal at ang masipag na Vice Mayor Olowan ay muling naihalal. Dalangin naming ang makitang maibandila ang kapakanan ng Baguio, ang mapag-isang pwersa ang bawat sector ng lipunan upang buong-buo ang pagpapatupad ng mga patakarang nakatuon sa isang handa sa kinabukasan na lungsod. Ating isaisip ng buong katapatan, bilang pagtupad sa tungkuling maging bahagi ng pag-sasaayos , sa pagpapabuti, at sa pagpapaganda pa ng Baguio: ang mga ayudang galing na rin sa mga buwis nating mamamayan ay ating ipagpasalamat ng lubusan, dahil alam natin ang katotohanan. Muli, ang aming malugod na pagpupugay sa mga bagong halal ng bayan.
May 17, 2025
May 17, 2025
May 17, 2025
May 17, 2025
May 17, 2025
May 17, 2025
May 17, 2025