Barangay officials sa Ilocos Sur, suportado ang puwersa ng gobyerno

QUIRINO, ILOCOS SUR – Pumirma ang mga lokal na opisyal ng mga nayon ng Patiacan at Patongcaleo noong Biyernes ng isang resolusyon na kumukondena sa mga marahas na aktibidad at pagpasok ng New People’s Army  (NPA) sa kanilang lugar.
Sinabi ni Lt. Col. Eugenio Osias IV INF (GSC) PA, Battalion commander ng 81st Infantry, na ang mga lokal na opisyal sa mga barangay dito ay agad na gumawa ng resolusyon matapos gumawa ng kalupitan kamakailan.
Noong Oktubre 9 ay isang improvised explosive device (IED) ang inihagis at sumabog sa bubong ng barangay hall ng Barangay Patongcaleo. Isa pang IED ang natagpuan sa ikalawang palapag habang nagsasagawa ang mga sundalo ng seguridad sa isinasagawang skills and livelihood training na pinangunahan ng Technical Education and Skills Authority (TESDA).
Sa barangay Patiacan ay pinaputukan ng dalawang rebeldeng NPA ang mga tropa ng 81st Infantry (SPARTAN) Battalion habang nagsasagawa ang mga sundalo ng “bayanihan” kasama ang mga guro at estudyante ng Patiacan Elementary School noong Oktubre 15 na nagresulta sa pagkamatay ng isang sundalo at pagkasugat ng isa pang sundalo at isang sibilyan.
Pinapaniwalaang mga miyembro ng Kilusang Larangang Gerilya (KLG) Montes ang mga rebeldeng NPA na nag-ooperate sa tri-boundaries ng Abra, Mountain Province at Ilocos Sur.
Nagpapasalamat si Osias sa mga lokal na opisyal sa pagtugon sa panawagan ng Army ng suporta, kooperasyon at tiwala sa paglaban sa mga rebeldeng NPA at pagkilala sa mga pagpupunyagi ng militar na bigyan sila ng kapayapaan at seguridad.
“Together, we will fight against these NPA rebels to attain the peace and development we longed for. The Army will support you as you take a big leap forward towards living in a better place,” ani Osias. ABN

Amianan Balita Ngayon