‘Basura Patrol’ pinangunahan ng isang barangay sa Ilocos Norte

LUNGSOD NG LAOAG – Sa lahat ng daan patungo sa sentro ng
bayan ng Burgos sa Ilocos Norte ay kapansin-pansin na walang makikitang kalat.
Ang kredito ay sa mga lokal na residente ng Poblacion sa aktibasyon ng tinaguriang “Basura Patrol” ng barangay kung saan salitan sila sa
pagsubaybay ng isang highway.
Bilang isang modelo ng ‘cleanest and greenest barangay’ sa probinsiya ay sinabi ni Poblacion Punong Barangay Joegie Jimenez na ang grupo ng “Basura Patrol” ay sisiguruhing walang kalat na
basura sa mga pampublikong lugar gaya ng mga pangunahing daan, kalye, sidewalks, kanal, mga parke at estero.
Dahil sa kanilang malahiganteng windmills, solar farms at white rocks formation na malimit dinadayo ng mga turista ay sinabi ni Jimenez na naging kaugalian na nilang panatilihing malinis ang
kapaligiran at gawing luntian para maakit ang mas marami pang bibisita sa kanilang lugar.
Mula 2011 o panahon ng taunang selebrasyon ng environment month ay patuloy nagsasagawa ang mga opisyal ng Barangay Poblacion ng coastal at highway clean-up drives at massive information dissemination sa zero waste management.
“Over the years, we have observed that lesser garbage is being collected since we put up signage and garbage receptacles in strategic places. It could have been better if visitors will have a briefing first at the tourist center to dispose of their
garbage properly,” ani Jimenez.
Bilang bahagi ng kanilang adbokasya, ang kanilang barangay hall na nasa kahabaan ng highway ay nagtatampok ng recycled plastic materials na maaaring maging pera.
Sa kanilang libreng oras ay sama-sama ang mga residente ng barangay sa paggawa ng bracelets at leis mula sa colored magazines, brochures at iba pang recycled papers.
Ilan sa kanila ay gumagawa din ng decorative items at ibang waste recycling products at ibinebenta sa mga interesadong buyers. “We are thankful to the community, our volunteers and sponsors for supporting our programs.
Together, we can make every barangay clean, peaceful and orderly by doing our part as responsible stewards of nature,” dagdag niya.

Amianan Balita Ngayon