Sinabi ng Baguio City General Services Office (GSO) na ang araw-araw na naiipong basura sa lungsod ay tumaas sa 550 tonelada mula sa 400 tonelada sa panahon bago ang pandemya at 320 tonelada sa panahon ng pandemya. Ang pagtaas ng paglikha ng basura ay base sa resulta ng 2022 Waste Analysis and Characterization Study (WACS) na kailangang tugunan ng lungsod bawat ikatlong taon na hinihingi ng Republic Act 9003 o ang Ecological Waste Management Act
of 2000. Sinabi ng GSO na ang 550 tonelada na araw-araw na nalilikha ay para lamang sa isang normal na isang araw na produksiyon ng basura kaya maaari pang tumaas ito kung may mga events at pinakamataas na panahon ng turismo.
Ibig sabihin nito, ayon sa ulat ng WACS, ang bawat isang tao ay lumilikha ng .55 kilo bawat araw ngayon kumpara sa .45 kilo ng basura bawat tao kada araw noong 2016. Dahil dito ay pinaigting ng GSO ang mga kampanya sa waste segregation at recycling sa lahat ng barangay upang mabawasan daw ang produksiyon ng basura at magtatayo ng isang centralized materials recovery facility (MRF) sa madaling panahon na tutulong sa operasyon ng limang MRF na kasalukuyang nasa barangay na nakakaambag sa pagbabawas ng mga basura.
Patuloy pa rind aw ang pakikipagtulungan ng GSO sa mga non-government organization upang
mapalakas ang mga programa gaya ng zero waste at 3R (Reduce, Recycle, Reuse) sa pamamagitan
ng mga kampanyang information-education-communication (IEC) sa mga komunidad.
Sinabi ng GSO na iniuugnay ang pagtaas sa produksiyon ng basura sa makabagong normal
na pamumuhay ng tao na tumtangkilik sa delivery at online na pagbili. Sa pagbili sa online ay
nangangailangan ng packaging at pagbalot kaya nangangahulugan ng pagkarami-raming mga
basura na naidadagdag sa regular na nalilikhang mga basura.
Sinabi pa ng GSO na ang pagdami ng basura ay sanhi rin ng pagbugso ng pagdating ng mga turista matapos alisin ang mga restriksiyon sa pandemya. Ibig sabihin ay – mas maraming tao, mas maraming basura. Sinabi ng mga opisyal ng lungsod na may pagbuti sa disiplina ng mga residente ng Baguio sa pamamahala ng kanilang mga basura subalit kailangan pa daw na pag-igihin upang lubos na maging isang tunay na malinis at maayos ang lungsod. Sa nakaraang mga bagyo kung saan
nakaranas ang lungsod ng mga pagbaha dahil sa mga basurang bumara sa mga drainage, mga kanal at iba pang daluyan ng tubig.
Lumilikha ang mga tao ng pambihirang dami ng basura na higit 2 bilyong tonelada bawat taon ayon sa World Bank o humigit-kumulang 4.5 trilyong libra taon-taon kung saan ang bilang na ito ay tataas pa. Ang pandaigdigang basura ay inaasahang aabot sa 3.4 bilyon tonelada sa taong 2050. Kahit pa makahanap ang tao ng pagdadalhan sa sobrang-dami na basura ay magtatagas ito ng mapanganib na mga greenhouse gas na nag-aambag sa pagbabago ng klima. Ang mga landfill ay naging pinakakaraniwan na solusyon sa basura sa mayayamang bansa na siyang pinakasimpleng pagpipilian para maalis ang basura, subalit ang landfill ay hindi ang pinakaresponsable sa kapaligiran na solusyon sa basura.
Ang recycling ay ang pinakamaliwanag na alternatibo upang madala ang basura sa isang landfill at may malawak na hanay ng mga material na maaaring i-recycle at maaari pang pagkakitaan. Subalit ang recycling ay hindi panlunas sa lahat, at may malaking agwat sa pagitan ng ano ang posibleng i-recycle at kung ano ang aktuwal na narecycle. Ang dry recyclables gaya ng plastic, papel at cardboard, bakal at kristal ay katumbas ng 38% ng munisipal na basura ayon sa datos ng World Bank. Samantala, 13,5% lamang ng mga dry recyclables ang talagang narerecycle sa buong mundo.
Ang reduce, recycling at reuse na siguro ang nakitang pinaka-angkop sa ngayon upang mapamahalaan ang sobrang-daming basura.
Sa kabilang banda, karamihan ng mga epekto ng mga kalakal na nabibili at mga single-use na bagay at packaging maging ito man ay sa lason, pagbabago ng klima, pagkaubos ng tubig, pagkagambala sa pinamumuhayan, o iba pa – ay hindi isang resulta ng pagtatapon. Kundi, ito ay isang bunga ng mga supply chain, pagmamanupaktura at produksiyon. Ayon sa ilang pag-aaral, ang mga bagay na pwedeng i-recycle at nabubulok ay hindi naman dapat nakakabuti sa kapaligiran o nagreresulta sa mas mababang epekto sa kalusugan ng tao kaysa sa mga bagay na hindi narerecycle at di-nabubulok. Tingnan din natin na ang pagsusulong sa mga sikat na katangian gaya ng “recyclable” at compostable” ay isang karaniwang istratehiya ng pagbebenta, na laging sikat, ngunit hindi laging matalino.
Ang mga kompanya sa teknolohiya ay sinusubukang lutasin ang problema sa basura mula sa maraming direksiyon, panabubuti ang mga proseso sa pagresikulo at lumilikha ng mga bagong materyales upang makagawa ng mga produktong “single-use” na maaaring mabulok. Samantala ang mga gobyerno naman ay patuloy na hinihikayat ang kani-kanilang mamamayan sa pagsunod sa tamang pagtatapon ng basura – lahat ng mga pagsisikap na ito ay limitado pa lamang sa ngayon at hangga’t hindi napuputol ang tunay na pinagmumulan ng basura (maaaring natukoy
na, ngunit nagbubulag-bulagan pa) ay tuloy-tuloy pa rin ang ‘resikulo” ng buhay, basurang naresikulo babalik uli bilang basura.
December 16, 2023
September 20, 2024
September 13, 2024
August 31, 2024
August 24, 2024
August 17, 2024