Batas sa maliwanag na proseso at pamantayan sa pagpili sa GM ng mga kooperatiba kailangan

Editorial

Patuloy ang di-pagkakasundo sa kung sino ang dapat maupong General Manager ng Benguet Electric Cooperative (Beneco), parehong palaban at ayaw patinag ang magkabilang partido. Parehong iginigiit ang kanilang karapatan sa posisyon, parehong may mga taga-suporta at parehong may katuwiran kung titingnan.

Ang isa ay umupong Officer-in-Charge at umakyat sa posisyon mula sa baba at malawak na ang kaalaman marahil sa lahat ng sulok ng kooperatiba, may suporta sa mga empleyado at iniluklok ng Beneco Board.

Ang isa naman ay inindorso ng National Electrification Administration Board na bagamat baguhan ay isang abogada at may karanasan bilang dating mayora ng Natonin sa Mt. Province at isa pang panlaban ay mas mataas ang nakuhang marka sa isinagawang pagsusulit para sa posisyon.

Isang tuwiran daw na dahilan upang maging karapat-dapat siya sa nasabing posisyon. Hindi kinikilala ng Beneco Board ang paghirang at pag-indorso kay Atty. Ana Marie Paz Rafael at iginiit na si Engr. Melchor Licoben ang dapat maupo. Maaari daw maharap sa asunto ang mga miymebro ng Beneco Board kung patuloy nilang tanggihan ang pagtatalaga kay Rafael bilang bagong general manager.

Dahil sa patuloy na umiinit na sigalot at krisis sa pamunuan ng bilyong-piso na kooperatiba ng kuryente na pangunahin at nag-iisang nagseserbisyo sa probinsiya ng Benguet kasama ang Baguio City ay nakialam na rin ang Kongreso at naglabas ang House Committee on Energy (HCE) ng isang “status quo” order upang mapayapa sandali ang sitwasyon hangga’t mailabas nila ang committee report at maresolba na ang gusot.

Kaugnay nito ay nanawagan ang mga opisyal ng Lungsod ng Baguio at Benguet na sundin ng nag-aaway na mga partido ang kautusan ng HCE.

Nagdulot na ng pagkabaha-bahagi ang away sa posisyon, nahati ang board of directors ng Beneco na umabot na sa personalan, nalilito na ang mga consumer/members ng kooperatiba at nagkakaroon na rin pagkampi-kampi.

Mentras nito ay naantala pa minsan ang mga serbisyo dahil pati mga empleyado ay nakikisangkot na rin kung saan labis na maapektuhan ang mga serbisyo. Lahat tayo ay labis na naapektuhan ng pandemya ng COVID-19 at patuloy ang kalbaryo natin sa hindi pa matigil na pagdami ng mga kaso.

Hindi natin ikabubuti kung sa panahong ito ng mga pagsubok at paghihirap ay magulo ang mga serbisyo sa kuryente lalong-lalo na sa pagpapanatili ng mga bakuna. Kailangang masiguro pa rin ang interes ng publiko unang-una.

Marahil ay totoo nga na may mga pagkukulang at puwang sa mga paraan ng pagpili na naranasan na rin sa nakaraan. Kaya ang pangyayaring ito ay maging panimula sana at maging pagmumulat para sa mga mambabatas na lumikha ng mga nararapat, angkop, makatuwiran, napapanahon at maliwanag na mga batas ukol dito upang hindi na maulit pa ang pangyayaring ito, sa Beneco at iba pang kooperatiba ng kuryente sa buong bansa.

Samantala ay respetuhin muna ang kautusan ng HCE na “status quo” at pairalin ang tamang disposisyon ng mga makatunggali – dahil kung tutuusin ay mataas naman ang inyong pinag-aralan at propesyunal naman kayo kung ituring. Dahil kung walang tamang resolusyon ang makamit ay baka mangapa tayo sa dilim.