Benepisaryo ng BP2 babalik na sa Apayao

Provincial

Isang pamilya na binubuo ng anim na katao ang bumalik na sa Apayao sa pamamagitan ng “Balik Probinsya, Bagong Pagasa Program” (BP2) ng pambansang pamalaan noong Oktubre 13.

Sinabi ni Aquino Daguio, 57, dating UV Express driver na isa siya sa unang trabahador na tinamaan ng pandemya matapos matigil ang pampublikong transportasyon.

“Mahirap dahil wala kaming hanap-buhay. Yung konting naipon namin naubos agad. Kahit yung mga cellphones naibenta na para pang-tustos sa pamilya,” sinabi ni Daguio sa isang panayam noong Lunes (Oktubre 11).

Matapos ang ipinatupad na pinaigting na mga restriksiyon sa Metro Manila dahil sa isang pagtaas ng mga kaso ng Covid-19 sa mga nakalipas na buwan, sinabi ni Aquino na nagdesisyon ang pamilya niya na bumalik sa Apayao upang muling makapagsimula.

“Pagkatapos nitong huling lockdown, napagtanto ko na mas okay bumalik ng probinsya tutal meron namang binigay ang Pangulong Duterte na Balik Probinsya program,” ani Daguio.

Sumailalim ang pamilya sa transcription-polymerase chain reaction swab tests noong Lunes sa BP2 Depot sa Quezon City upang masiguro na negatibo sila sa Covid-19.

Nakatakda silang umalis sa Manila Martes ng gabi at inaasahang darating sa Apayao ng Miyerkoles (Oktubre 13). Ang programang BP2 na itinatag sa ilalim ng Executive Order (EO) No. 114, series of 2020, ay isang inisyatibo ng pambansang gobyerno na dinisenyo upang tugunan ang pagsisikip sa Metro Manila.

Hinihimok ng BP2 ang publiko, lalo na ang mga informal settlers na bumalik sa kanilang mga probinsiya.

Pinapangunahan ng gobyerno ang pagbibigay ng tulong sa buong transisyon sa pagbibigay ng karagdagang suporta at mga insentibo sa transportasyon, kabuhayan, pangangailangan ng pamilya, ikabubuhay, edukasyon, pabahay, at iba pa.

Sa ilalim ng programa, naatasan ang National Housing Authority (NHA) ng magbigay ng teknikal at administratibong tulong sa pakikipag-ugnayan sa iba’t-ibang local government units (LGUs) at asikasuhin ang kanilang pagbabalik probinsiya.

(RD-PNA/PMCJr.-ABN)