Benguet Animal Quarantine Ordinance – sana’y isilbi ang tunay na pakay

Wala namang duda na mabuti at napapanahon ang implementasyon ng “animal quarantine ordinance” ng probinsiya ng Benguet. Dahil sa mga nagdaang taon hindi man sunod-sunod ang naging kaso ng epidemya at sakit dulot ng mga hayop ay totoong nagdulot ang mga ito ng pangamba at malaking epekto sa kalusugan ng tao at sa ekonomiya. Hindi man nakakamatay ang ilang sakit na dulot ng mga hayop na inaangkat ay malaki naman ang naging negatibong epekto nito.
Ang ordinansa na ipinasa noong Setyembre 4, 2017 ay may pangunahing layunin na isulong at protektahan ang kalusugan ng publiko, kaligtasan at kabutihan, gayundin protektahan ang interes ng lokal na animal at farming industries. Layon din ng ordinansa na magbigay ng isang sistema ng pagkontrol at hadlangan ang posibleng banta sa kalusugan at pagpasok ng posibleng mga sanhi ng peste at sakit na tiyak na makakaapekto sa kabuhayan ng mga rersidente sa buong probinsiya.
Ang ordinansa ay para sa lahat ng animal dealers at traders, handlers ng karne, meat products, at mga by-product, fish at aquatic products, at honeybees at by-products nito na lahat ay dinadala papunta at palabas ng probinsiya.
Nag-umpisa noong Pebrero 1, ang Animal Quarantine Ordinance ng Benguet ay magpapataw ng regulatory fees sa bawat hayop na dadalhin sa probinsya. Nagtalaga ang ordinansa ng sampung quarantine checkpoints – Marcos Highway; Kennon Road; Tubao, La Union-San Pascual, Tuba; Naguilian Road, Sablan; Benguet-Nueva Vizcaya Road, Bokod; Benguet-Ilocos Sur, Mankayan; Mt. Province-Benguet Road; Buguias; La Union-Gaswaling Road, Kapangan; at Ifugao-Benguet Road, Buguias.
Dahil sa ordinansa ay umalma ang ilang negosyante dahil sa panibagong dagdag na bayarin at abala. Ang tiyak na maaapektuhan ng ordinansang ito ay ang mga mangangalakal na walang kaukulang dokumento at permiso mula sa kaukulang ahensiya, kaya siguro ay walang dapat ipangamba ang mga “legal” na mangangalakal.
Ang ilan sa mga nabanggit na sampung quarantine checkpoints ay nasa liblib na lugar na alam nating delikadong lugar. Ayon sa isang opisyal ay hindi naman daw nila habol ang mga multa kundi ang kapakanan lamang ng probinsiya at mamamayan. Sa malalayong checkpoints ay kailangan din ng karagdagang pondo para mapanatili at mapamahalaan ang “animal quarantine checkpoints” dahil sa marami ring personnel ang kailangan. Nasa P2,000 hanggang P5,000 ang multa na ipapataw sa mga lalabag sa ordinansa.
Sana ay huwag panimulan ang mga checkpoint na ito ng hindi mabuting aktibidad na ikakasira ng ordinansa at ng mga opisyal na nagsulong nito.
PMCJr.

Amianan Balita Ngayon