BLOOD AND ORGAN DONATION AWARENESS WEEK, INILAHAD NG BGHMC

BAGUIO CITY

Sa pagdiriwang ng Blood and Organ Donation Awareness Week sa Baguio City ngayong ikalawang linggo ng Hunyo, iniulat ng Baguio General Hospital and Medical Center (BGHMC) ang patuloy na pagtaas ng pangangailangan para sa dugo at bato, ayon kay Dr. Kristoffer Ted Angala,ng Department of Internal Medicine. Ayon kay Dr. Angala,
lumalaki ang bilang ng mga nangangailangan ng dugo tulad ng mga may malubhang anemia, sakit sa dugo, mga
problema sa pagdurugo, at mga kumplikasyon sa pagbubuntis at panganganak.

Ang mga qualified na pwedeng mag-donate ay dapat legal ang edad, malusog, may timbang na higit sa 50 kg, normal ang presyon ng dugo, at hindi umiinom ng maintenance na gamot. Maaaring mag-donate sa BGHMC, Philippine Red Cross Baguio Chapter, at Saint Louis University Hospital. Sa aspeto naman ng organ donation awareness, tinalakay ang boluntaryong pagbibigay ng mga organo tulad ng atay, baga, bato, lapay, puso, corneas, buto, balat, at iba pang bahagi ng bituka para sa mga nangangailangan nito.

Ang BGHMC ay mayroon ding Kidney Transplant Team na handang tumulong sa mga may pangangailangang magpakidney transplant. Ang National Kidney Institute ay may Organ Donor Card para sa mga nais magdonate ng kanilang organs pagkatapos nilang mamatay. Mahigpit na ipinagbabawal ang pagbebenta ng mga organs lalo na ang atay at itinuturing na seryosong krimen batay sa R.A. 9208 o Anti-Human Trafficking Act na maaaring magdulot ng
hanggang 20 taon na pagkakabilanggo batay sa Philippine law at sinusuportahan ito ng Kidney Transplant Unit ng BGHMC.

Batay sa datos, sinabi ni Dr. Angala, noong 2020 nasa 18,600 na pasyente sa buong bansa ang nangangailangan ng
kidney transplant, samantalang sa buong mundo, isang pasyente na sumasailalim sa dialysis ang namamatay bawat
minuto. Ang paghahanda bago sa transplant ay umaabot ng hindi kukulangin sa 2 buwan. Mayroon ding 5,000
deceased organ donors ang naka-lista sa National Kidney Transplant Institute. Binigyan diin ni Dr. Angala ang kahalagahan ng collaborative effort ng iba’t ibang ahensya upang hikayatin ang mas maraming tao na mag-donate ng dugo at organo. Ang mga success story ng mga pasyenteng nakatanggap ng transplant ang magandang halimbawa
upang itaguyod ang kahalagahan ng pagbibigay ng dugo at bato para sa kapwa at sa sarili.

Juannah Rae Basilio/UC-Intern

Amianan Balita Ngayon