LA TRINIDAD, BENGUET – Humigit kumulang P165,000 ang halaga ng pera at gamit na tinangay ng di pa nakikilalang magnanakaw na nanloob sa isang boarding house sa KM3, Pico, La Trinidad, Benguet.
Dakong 6am ng Hunyo16 nang nakatanggap ng tawag ang La Trinidad Police Station tungkol sa naturang panloloob.
Kinilala ang mga biktimang sina Pamela Aplas, 24, single, tubong Buguias, Benguet, at Shiela Madawat, 24, single, tubong Tuba, Benguet, parehong naninirahan sa nasabing boarding house.
Bandang ika-6 ng gabi noong Hunyo 15 nang umalis si Aplas sa kanilang tinitirhan para pumunta sa Loakan, Baguio City at bumalik dakong 6am kinabukasan nang napansin nito na nabukas na ang padlock ng kanyang tinitirhan at nagkalat ang kanyang kagamitan.
Napansin din ng biktima na nawawala na ang kanyang pera na nagkakahalaga ng P40,000 na itinatago niya sa kanyang aparador. Naniniwala si Aplas na ninakaw ito kaya nawala.
Ayon naman kay Madawat, 6pm ng Hunyo 15 ay ikinandado niya ang kanilang tinitirhan at iniwan ang susi sa bintana kung saan nila nakasanayang iwan. Dakong 4:30am ng Hunyo 16 nang dumating siya sa kanilang boarding house at nakitang bukas ang pinto. Pagpasok niya ay nakita niya na nagkalat ang kanyang mga personal na gamit. Nalaman din niya na nawawala na ang nagkakahalaga ng P5,700 na telepono; P9,000 na pantalon; at P110,000 na cash na itinatago niya lang sa kanyang aparador.
Sa inisyal na imbestigasyon na isinagawa ng La Trinidad police, ginamit umano ng suspek ang susing iniwan ni Madawat para buksan ang padlock dahil narekober ang susi sa loob ng kanilang kwarto at walang bakas na pwersahang binuksan ang nasabing padlock. MARK JASON SELGA, UC Intern
June 22, 2018