BUHAY AT PAGKABUHAY

ISANG maluwalhating Undas na naidaos bilang natatanging tradisyon sa lahat! Tradisyong Pilipino ang nakaraang dalawang araw ng paggunita sa ating mga yumaong mahal sa buhay. Bawat taon, dinadagsa natin ang kanilang himlayan, walang pagkakaibang ating nakalakhan ang nagdaang a-uno at a-dos ng Nobyembre. Kailanman, hindi matatapos ang anumang taon kung hindi ilalaan ang mga sagradong araw na ito ng Nobyembre.

Sama-sama nating ninamnam ang nakalipas, bilang pag-galang sa ugnayang minsan ay nagbigay kulay sa mga
pagniniig. Lahat ng maaalala, isinasapuso ang mga ginintuang gunita. Sadyang ganito ang agos ng buhay Pilipino. Kapag nilakbay na ang hangganan, kapag buhay na lamang sa alaala, ang inulila ay bukal sa pagtanggap ang siphayo
ng pagkawala. Kung ang agos ng buhay ay mistulang bula na inililipad sa papawirin, ganoon din ang kamatayan – biglaan sa Ilan, inaasahan sa may alam.

Ngunit ang hapdi ng kawalan ay hindi napapawi ng ganun-ganun lamang. Tumitindi, humahampas, humahagupit.
Kaya naman, ang buhay at pagkamatay ay pantay lamang sa hirap at sakit hindi lamang sa namamaalam, bagkus ganun din sa mga naiwanan. Ulila sa ngayon, gaano man lumipas ang panahon. Para sa ating patuloy na sinasagwan ang agos ng buhay, ang tanging hamon ay makaahon sa daluyong ng hinagpis at buong layang salubungin ang dumarating pang mga unos.

Hayaan na nating muli tayong bigyang lakas sa mga alaala ng ugnayang buong sinop na ninamnam. Hayaan na lamang na mahalintulad sa dahon ng damo na hindi nagpapatinag kapag hinahampas ng sariling unos. At ipaubaya na sya ay isayaw ng hanging tumatawid. Anumang buhay ay kamatayan ang hangganan. Anumang kamatayan ay muling nabubuhay sa bugso ng galaw at sigla ng muling pagbangon.

Ang buhay ay sadyang may hampas ng lungkot na kadalasan ay dagliang sinusuklian ng sunusunod pang siphayo.
Ang buhay sa daigdig ay maaaring panandalian at pansamantala. Ang kanilang buhay ay walang hangganan dahil ito ang hiwagang kinagisnan ninoman. May buhay na walang balakid na makakahadlang upang maabot ang dulo ng
hangganan, na ang kasunod ay muling pagkabuhay. Sa isip, sa puso, at sa mga gunitang walang kamatayan.

Amianan Balita Ngayon