“BUHAYIN ANG INDUSTRIYA NG PAGKAKAWAYAN”

Ninanais palakasin ng Ilocos Norte ang industriya ng pagkakawayan bilang pagtaguyod sa sustenableng agrikultura sa probinsya. Nagtipon kamakailan ang mga stakeholders ng industriya, kabilang ang Micro, Small, and Medium Enterprise (MSME) Office at ng Ilocos Norte Provincial Agriculture Office (PAO), Department of Science and Technology (DOST), Philippine Textile Institute, Mariano Marcos State University (MMSU), CSFirst Green Agri-industrial Development, Inc., at ng opisina ng Kongresista ng Bukidnon upang talakayin ang kalagayan at mga hamon ng industriya.

Pumosisyon ang Ilocos Norte bilang pangunahing tagapagtaguyod sa pagpapalaganap ng kawayan bilang
sustenableng rekurso para sa pagpapaunlad ng ekonomiya, pangangalaga sa kalikasan at pagpapahusay ng agrikultura. Binalangkas din ang marketing strategies, production development, innovative bamboo technologies, at mga opurtunidad upang mapalago ang paggagamitan ng kawayan. Batid ni Ilocos Norte Gov. Matthew Marcos Manotoc na responsibilidad ng gobyerno na seryosong maghanap ng paraan at makapagbigay ng hanapbuhay sa kanyang mga kababayan.

Tularan sana siya ng iba pang mga lingkod-bayan sa buong bansa na walang ibang isipin bukod sa paglilingkod sa mamamayan. Hindi gaya ng diumanong ilang lingkod-bayan sa Cagayan Valley region na naghangad ring mapaunlad ang industriya ng pagkakawayan sa kani-kanilang bayan, ngunit sa kinalauna’y sariling bulsa ang umunlad. Diumano’y imbes na kumuha ng mahuhusay na planting materials para sa bamboo production, inilaan na
lamang ang nalikom na pondo mula sa mga barangay upang bumili ng mga mababang kalidad na planting materials.

Nasayang ang pondo at walang nakamit na katiting na pag-unlad sa pagkakawayan. Kawawa ang agrikultura, ang
pondo sa sariling bulsa napunta! Bantayan sana ng mamamayan na hindi mangyayari sa Ilocos Norte ang ilang hindi kaaya-ayang karanasan ng industriya ng pagkakawayan sa Cagayan Valley.

Amianan Balita Ngayon