Mahaba-haba na ang litanya ng mga kontrobersiya sa ating bansa pero sa halip na nababawasan…lalo pa yatang
napapatungan. Sandamukal na ang mga pagbubulgar sa mga diumano’y mga anomalya lalo kung pondo ng bayan ang usapan. Ganun ding sandamakmak na ang mga pagbubunyag sa mga nangyayari sa iba’t-ibang sangay ng gobyerno. Mga tanong ni Juan dela Cruz: ANO ba yan? Babala kaya ang pagputok ng Bulkang Kanlaon para matauhan tayo? May wakas pa kaya ang mga kontrobersiyang kinakaharap ng ating bansa? Nakakainis, nakakapika.
Noong una…tensiyon sa may West Phil. Sea lamang ang ating sinisilip dahil sa panghihimasok ng Tsina. Di natin sukat akalain na may nangyayaring anomalya sa paggasta ng pondo ng bayan bunsod ng imbestigasyon sa mag-amang Rodrigo Duterte at VP Sara Duterte. Lumobo na ito at grabe na ang balitaktakan. Nariyan na ang walang
patumanggang banatan kasama na ang “pagbabanta”. Nadagdagan ulit ng trabaho ang mga mambabatas sa Kongreso dahil doon ang ginawang “firing line” ng mga kontrobersiya.
Meron naman tayong mga korte na dapat doon sana pagdedebatihan sa paghahanap ng lunas ng mga problema…ngunit hanggang sa ngayon, doon pa rin sa Kongreso (Senado/House) ang balitaktakan. Kaya tama lang na magtaka at magtatanong ang sambayanan: may katapusan pa kaya ang mga kontrobersiyang ito? Isa sa pinaka-kontrobersiyang isyu na gustong tapusing imbestigahan ng NBI ay hinggil sa bantang binitawan ni VP Sara laban kay Pangulong Bongbong Marcos Jr., kanyang asawang Liza Marcos at House Speaker Martin Romualdez. May
dalawang imbitasyon na ang NBI kay VP Sara pero hindi sumipot ang bise. Magtatakda daw muli ng panibagong araw upang imbitahan si VP Sara.
Tanong na naman ng bayan: sisiputin kaya ng bise ang panibagong imbitasyon ng NBI? Ito nga ang matinding eksena at marami na ang naiinis at napipikang kababayan natin. Papano daw mareresolba ang isang problema kung ayaw namang humarap ang iimbistigahan? Walang matatapos, di ba? Sabi ng ilang analyst: maraming panahon na ang lumipas at maraming oras na ang nasayang dahil sa mga imbestigasyong ginagawa. Pero sa nangyayari, para
tayong nagsisimula pa lang. Ibig sabihin, malayo pa ang hangganan. Marami pang serbisyo sa bayan ang
maaapektuhan at maisasantabi. Naririnig natin ang mga sisihan na kesyo nagaganap daw diumano ang mga pag-bubunyag at imbestigasyon dahil daw sa mga ambisyong-pulitikal lalo na sa 2028 elections.
Dahil sa init sa isyu-pulitikal…parang naisasantabi ang mga mahahalagang bagay sa ating lipunan. Gaya ng
pambubuska na naman ng Tsina sa ating mga barko sa WPS. Kamakailan, mga barko ng BFAR at PCG ang binangga
at binomba ng tubig ng mga dayuhang barko (maaring Tsina). Sa panig naman ng AFP na sandigan ng seguridad ng
bansa…kaya pa rin daw nating magbinat ng sinturon. Sabi ng Pangulong Bongbong sa mga banta ni VP Sara…hindi daw niya ito basta mapapalampas. Wala pang kongkretong pagkilos hanggang ngayon. Ito rin kaya ang sasabihin ng
Pangulo na hindi niya mapapalampas ang ginagawa ng Tsina sa WPS pero wala ring pagkilos na gagawin?
Marami ang naghihintay ng matatag na paninindigan kontra sa mga alegasyong “diumano ay malamya o malambot” na paninindigan. Di pa siguro kailangan sa ngayon ang “kamay na bakal” ngunit isang bisig o kamao na “ matatag at
masasandalan” kung kinakailangan. May kasabihan: sa bawat landas ay may hangganan. Kaya inuulit natin ang tanong: ano at kailan ang hangganan ng mga kontrobersiyang ito sa ating lipunan? Sana ang pagngangalit ng Bulkang Kanlaon ay maging pamukaw-kamalayan para sa ating lahat. Adios mi amor, ciao, mabalos
December 14, 2024
December 14, 2024
January 12, 2025
December 14, 2024
December 14, 2024
December 8, 2024
November 23, 2024
November 23, 2024