BULAGAAN

IBANG KLASENG bulagaan ang dinaanan natin nitong mga huling araw. Hindi ito ang walang kamatayang noontime show ng TVJ na inaabangang pang-Marites na walang kasawa-sawang pinaguusapan mula Batanes hanggang Jolo. Sa katunayan, halos isang buwan na nga itong
kumikililing sa ating mga tenga, usap-usapang hindi pinalalampas ng mga kababayan nating apat na mulang pa noong dekadang Sitenta ay hindi mabilang na katuwaan ang anya’y dulot
tuwing tanghalian.

Ang sinasabi nating bulagaan ay si Covid pa rin. Kamakailan lamang, higit na tuwa ang humulagpos sa ating kamalayan ng tuloy-tuloy ng dumausdos ang bilang ng mga bagong kaso. Kung noong isang buwan, pumapalo sa 10,000 hanggang 15,000 ang mga bagong naililista, binulaga tayo ng papakaunting bilang na mga 5,000 na lamang ang naidadagdag sa bawat araw.
Buong Pinas ito, mula Batanes hanggang Jolo.

Dito nga sa Baguio, mula pa noong nakaraang linggo, pasampu-sampu na lamang ang naidadagdag, habang ang mga nakakaraos ng matiwasay, nakahulagpos sa mga kamay ni Covid, ay doble sa bilang ng mga nahahahawa. Tantyahin natin nitong nakaraang mga araw. Nitong Webes, 12. Myerkoles, 4. Martes, 3. Lunes, 6. Single-digit nagsimula, biglang nag double-figure. Walang dapat ikabahala, ang walang katinag-tinag na pahayag n gating Ama ng Lungsod, si Mayor Benjie.

Nasa huling hingalo na si Covid. Kinakapusan na ng hininga. Papalapit na sa huling hantungan, kahit na patuloy siyang humahanting ng mga bagong kaso. Malamang, anumang araw ngayon ay kanyang idedeklara na opsyonal na lamang ang gamit ng face mask – oo, ito ang pangunahing
proteksyon natin nitong lampas na dalawang taon ng pananalasa ni Covid — kapag nasa indoor
environment. Mga shopping mall, mga gymnasium, mga pampublikong sasakyang naka-byahe, mga kinulob na pasilidad kung saan nagkakakumpol-kumpol ang mga tao.

Sa mga outdoor setting naman, nasa sa atin pa rin ang desisyon kung gagamitin pa rin ang face mask. Ibig sabihin, desisyunan na natin ang tama at sapat na pag-iingat upang maging protektado at ligtas. Ang mahalaga, patuloy nating pangalagaan ang ating mga sarili. Sa panahong patigok-tigok na si Covid, huwag pa rin tayong padadala sa simbuyo ng katuwaan upang kampante ng salungain ang panganib ng pagkakahawa. Kung sabagay, nasa ating mga pag-iisip ang pagpili ng
sapat na mga mekanismo upang maging palagiang ligtas sa mga hambalos ni Covid.

Ngayon ay pwede na tayong muling sariwain ang init ng panahon. Iba talaga ang Pinoy. Nitong tag-init, ang tanong ay kelan ang tag-ulan? Ngayong me bagyong muntik ng makapaminsala, ang tanong naman, “Kelan ulit ang taginit?” Balikan natin ang halos ay lampas ng 3 taong singkad ang
matagal na nating bisita sa Pinas. Di tulad ng dumaang mga bagyo, si Covid ay nandyan pa rin. Nag-aabang. Nagbabantay. Aaligid-aligid, kukurap-kurap, at dahil may dalang sariling bagsik ang
bagong kaanyuan nito, walang humpay naman ang ginagawang paghahasik ng lagim.

Oo nga at panibagong peligro ang umiiral dala ni covid. Hindi sya natitinag. Kung akala natin, nitong mga nakaraang buwan, ay nawawalan na sya ng buhay, hindi pa pala. Kung akala natin,
patungo na si covid sa huling hantungan, hindi pa pala. Eto sya, may bagong lakas na muling humahagupit, may bagong enerhiya na humahawa. Huwag nating ipagwalang bahala si covid. Isa syang mailap na banta sa ating buhay. Nito ngang nakaraang mga araw, ang mga kaibigan natin na ilang taon ding hindi tinamaan ni covid, binigla tayo ng bagong kaalaman na nahawa na.

Mga taong naiwasang mahawa sa loob ng higit dalawang taon, ngayon ay naisama bigla sa mga listahan ng hawaan. Patunay ito na patindi ng patindi ang bagong banta ng pandemyang lampas dalawang taon na nanalasa sa buong mundo. Walang araw na nagdaan na hindi pinalampas ang ating mga eksperto sa kalusugan sa paglalahad ng ating pambansang kundisyon. Para bagang, kinokundisyon tayo na ang huling hininga ni Covid ay wala pa sa linya. Isang kalaban sya na hindi masupilsupil, hindi matinag-tinag. Walang kakurap-kurap kung umalma.

Balikan at muli nating unawain natin ang mga pangyayari. Ang pinakahuling bersyon ni covid ay may ngalan na XBB, isang mutated viral form na mula pa noong isang buwan ay nagsimulang manalasa sa iba’t ibang lugar sa Asya kung saan kabilang ang ating mahal na ‘Pinas. Tinamaan ang India, ang kalapit na mga bansa nito, at ngayon nga ay nakarating na sa atin. Ang sabi, si super-variant XBB ay mula sa Omicron na isang bagong panganib na hinaharap ng sangkatauhan.
Kasama syempre ang Pinoy at Pinay na tila dedma at walang pagkabahala na binabalikat ang
sangkatutak na problema ngbuhay.

Tunay na kakaiba si XBB, higit na mabilis na humawa, at malamang – dahil sa lomolobong mga bagong kaso – dapat pangilagan tulad ng ating pagkatakot sa mga naunang mga anak ni Covid, tulad ng Delta na syang pinakamatindi sa mga nanalasa sa atin. Hugas-kamay, Wastong
distansya sa kapwa. At, magface mask gayung opsyonal rin. Tuloy lang ang agos ng buhay.
Tuloy lang ang pag-ahon at pagbangon. IngatAngatTayoBaguio, dyan tayo aasenso!

Amianan Balita Ngayon