MAGANDANG KAPALIGIRAN PARA SA SUSUNOD NA HENERASYON- KAYA PA?

Ang mundo ay binabaha ng mga plastik kung saan mahigit 400 milyong tonelada ng plastik ang nagagawa bawat taon, kalahati nito ay dinisenyong gamitin ng isang beses lamang. Sa daming ito, mas mababa sa 10 porsiyento ang nireresiklo habang tinatayang 19-23 milyong tonelada ang humahangga sa mga lawa, ilog at mga dagat. Sa ngayon ay binabarahan ng plastik ang ating mga tambakan na tumatagas papunta sa mga dagat at sinusunog na maging nakalalasong usok, na nagiging isa sa pinakagrabeng banta sa planeta.

Hindi lamang yan, ang hindi gaanong nalalaman ay ang mga microplastic ay nasa mga pagkain na kinakain natin, sa tubig na iniinom natin at kahit sa hangin na ating nilalanghap. Maraming produktong plastic ang naglalaman ng mapanganib na idinadagdag na maaaring maging banta sa ating kalusugan. Dito sa Pilipinas, ang industriya ng plastic ay hindi lamang mahalaga sa pambansang ekonomiya kung saan nag-ambag ng 2.3 bilyong dolyar noong 2018.

Gayunman, ang mataas na pagdepende sa minsang-paggamit ng mga plastic gaya ng multilayer sachets at mga supot ay inilagay ang Pilipinas na maging isang “ekonomiya ng sachet” na patuloy na nagpapalala sa nakababahalang antas ng polusyon ng plastic sa marina. Sa pagtataya ay kumukunsumo ang Pilipinas ng nakakalulang 163 milyong piraso ng sachet bawat araw. Gaya ng maraming mabilis na umuunlad na bansa, ang Pilipinas ay nakikipagbuno sa hindi natutugunang produksiyon at konsumo sa plastic gayundin ang kakulangan ng imprastruktura sa pamamahala ng solid waste.

Nakakagimbal na 2.7 milyong tonelada ng basurang plastic ang nalilikha ng Pilipinas bawat taon,
at isang tinatayang 20 porsiyento ang napupunta sa karagatan, kung saan malaki ang epekto ng
dumi sa marina lalo na sa mga kabuhayan ng mga komunidad na nasa baybayin gayundin sa mga
industriya ng turismo. Noong 2019 ay nakapagresiklo lamang ang Pilipinas ng 28 porsiyento ng plastic resin at ang 78 porsiyento ng halagang material ng plastic resin na 890 milyong dolyar ay nawawala sa Pilipinas kung ang maaaring iresiklong mga produktong plastic ay itinatapon sa halip na iresiklo sa mga mahahalagang material.

May malaking recycling capacity gap na 85 porsiyento ang Pilipinas noong 2019 at isang net exporter ng basurang plastic. Maliban dito, kabilang sa mga problema ng Pilipinas sa kapaligiran ay ang polusyon, iligal na pagmimina at pagtrotroso, pagkalbo ng kagubatan, mga banta sa mga nangangalaga ng kapaligiran, pangingisda gamit ang dinamita, pagguho ng lupa, pagguho sa baybayin, pagkawala ng biodiversity, pagkaubos, global warming at climate change. Ang Pilipinas ay inaasahang magiging isa sa pinakamadaling maapektuhan ng climate change na magpapalala sa sukdulang mga lagay ng panahon.

Noong Hunyo 5 ay ginunita ng buong mundo ang World Environment Day at ang tampok na tema ay ‘Only One Earth” at kampanyang #BeatPlasticPollution na nakatutok ngayong taon sa mga solusyon sa polusyon ng plastic. Kaugnay nito ay ang pagdiriwang ng Environment Month sa buong buwan ng Hunyo kung saan iba’t-ibang mga aktibidad ang isinasagawa sa buong bansa sa pangunguna ng Department of Environment and Natural Resources (DENR). May mga matibay at komprehensibong mga batas sa kapaligiran at polisiya ang Pilipinas ngunit tila nagdurusa tayo sa mahinang implementasyon dahil sa hindi sapat ang kapasidad at kakulangan ng pinansiyal kapuwa sa lebel na pambansa at lokal.

Ayon sa mga dalubhasa ay kailangan ng pagbabago sa istratehiya tungo sa higit pang debolusyon sa mga lokal na lebel ng gobyerno, pinahusay na pagpapakilos sa rekurso para sa pamamahala ng kapaligiran, mas mabuting pagbibigay ng prayoridad, at muling pagsasaayos sa yamang pantao ay agad na kinakailangan upang magawa ang mga bagong prayoridad. Kailangan din ang mga pagpapabuti ng mga sistema sa impormasyon para sa kapaligiran at access ng publiko sa mga nasabing impormasyon.

Ang maganda ay mayroon ng siyensiya at mga solusyon upang harapin ang problema at marami na ang nangyayari, ang pinaka-kailangan na lang ngayon ay isang pagbugso ng publiko at political na panggigipit upang iakyat at pabilisin ang mga aksiyon mula sa gobyerno, mga kompanya at iba pang may kinalaman lalo na ang kooperasyon ng publiko upang masolusyunan ang krisis na ito at hindi ang isang pambansang pahayag na galing mismo sa Kalihim ng DENR na “talo na tayo sa laban” na sa halip na makakatulong ay nakakapanlumo lamang. Bagaman idineklara ang Hunyo bilang Environment Month ay dapat ipagdiwang ito sa buong taon dahil napakahalaga ng kapaligiran sa buhay ng bawat-isa at nasa iisang mundo tayo at ang kapaligiran ay tayo, at tayo ay kapaligiran na sama-samang prinoprotektahan at pinapangalagaan para sa mga susunod na henerasyon.

Amianan Balita Ngayon