BUSKING PERMIT FEE, HUWAG MUNA SA NGAYON

Muling isinusulong ni Baguio City Councilor Leandro Yangot sa ikalawang pagkakataon ang isang panukalang ordinansa na kontrolin at iutos ang pagkakaroon ng permit para sa mga buskers o nagtatanghal sa lansangan o pampublikong lugar sa lungsod. Ang unang pagtatangka ni Yangot na makontrol ang “busking” sa lungsod ay
noong 2017 ngunit ito ay hindi nakapasa o umabot sa ikatlo at huling pagbasa. Sa ngayon ay naaprubahan sa unang pagbasa ang panukala si Yangot ng kasalukuyang Sangguniang Lungsod. Ayon kay Yangot ay may pangangailangan na makontrol ang mga busker dahil dumarami na daw sila. Sa ilalim ng ordinansa, ang mga rehistradong
busker ay maproprotektahan mula sa mga paghuli dahil sa pagiging palaboy o pamamalimos. Hinihingi sa mga busker, grupo ng hanggang tatlo na magparehistro at kumuha ng permit sa halagang PhP350, na maaaring mabago base sa pagrepaso, at may bisa na hanggang isang taon.

Itatatag din nito ang isang Street Performance Committee na mangangasiwa sa pagkontrol sa mga busker sa lungsod, gayundin ang pagtatatag ng mga bahagi ng central business district na magiging lugar para sa mga
busker. Ang panukalang ordinansa ay ipinasa sa Committee on Tourism, Special Events, Parks and Paygrounds ng Sanggunian para sa repaso. Ang panukalang ito ay tinutulan ni Mayor Benjamin Magalong dahil hindi daw ito
ang tamang panahon at sinabing ang mga tao, kasama ang mga alagad ng sining, musikero at mang-aawit ay kumikita lamang ng napakaliit tuwing isinasara ang Session Road sa araw ng Linggo kung saan pinapayagan silang magtanghal. Bumabangon pa raw tayo sa hagupit ng pandemya at kailangan suportahan ang mga vendor, negosyante pati mga busker. Ang layunin daw ng pagsingil ng mga fee ay upang makalikom ng pondo ay hindi pa napapanahon. Mas kailangan pa raw na magbigay ang mga lokal na gobyerno sa pangkabuhayan kaysa gipitin sila sa mga bayarin.

Maganda naman ang layunin ng panukalang ordinansa ni Councilor Yangot ngunit, ang pagsingil ng kaukulang bayarin para sila ay makapagtanghal ay tila hindi nga napapanahon. Maaaring maliit lamang na halaga kung titingnan dahil sa loob lamang naman ng isang taon ang bayarin na ito, subalit para sa mga walang kita o napakaliit
ang kinikita at hindi pa tuloy-tuloy ay mahirap ding pakawalan ito. Umani ng napakaraming reaksiyon mula sa tao at sa social media ang hakbang na ito at karamihan ay mga pagpuna at pagtutol ang inihayag ng mga netizen. Sa pagtutol ni Mayor Magalong sa hakbang na ito ay tila hindi na nga muling maisasakatuparan sa ikalawang pagkakataon ang panukala ni Councilor Yangot.

Isa pa, may iba pa namang maaaring pagkunan ng mga pondo kung sa pondo lang ang sangkalan ng panukala at sa bilang nga mga busker ay kakarampot lamang na halaga ang malilikom mula sa kanila. Ngunit sa kabilang banda, kung ang kapakanan nila ang isinaalang-lang, pansamantala ay maaari naman silang makontrol sa pagbibigay ng karampatang impormasyon ng nilalaman ng panukala na kusa nilang susundin at huwag lang muna ang pagsingil ng talent fee. Higit sa lahat malayo naman silang mapagkamalan na mga namamalimos ng mga manghuhling awtoridad dahil mga tagatanghal sila na nagbibigay ng libangan at lalong magpapasigla sa sining ng lungsod kung saan kinilala na at idineklara ang lungsod bilang Unesco
creative cities sa buong mundo.

REBELDENG SUMUKO

BIYAYA NG BUHAY

Amianan Balita Ngayon