NITONG LINGGO NG buwang kasalukuyan, ginulantang na naman tayo ni Covid. Sa isang
mapagmalasakit na paalala, inihayag n gating Ama ng Lungsod na nandyan pa daw ang malupit na virus, sa bagong mutation na may ngalan na EG.5. Sa ngayon daw, ito ang nananalasa sa Amerika, bagay na ikinababahala ng buong mundo. Sinabi pa ni Mayor BBM na sa ‘Merika, mga 17% ng mga
bagong kaso ng Covid ay humahampas na at humahagupit, kumpara sa mga 16% ng nakaraang variant ni Omicron. Spin-off daw ito ng iba pang variant na isinilang ni Omicron, ang pinakahuling
mutation ni Covid. Kaya naman, hindi na nagpatumpik-tumpik pa si Yorme.
Maging maingat. Huwag ng magpakampante, tulad ng mga nakaraang taon nang humagupit si Covid ng walang pakundangan, walang pag-galang, at walang sinisinosino. Kunsabagay, matagal na
rin nating ipinagwalang-bahala si Covid. Buong akala natin ay naghihingalo na siya, nagbibilang ng araw bago tuluyang manahimik at maging ordinaryong sakit. Eh bakit nga ba natin papansinin pa si Covid, samantalang mga daliri lang ang bilang ng mga bagong kaso. Paisa-isa, pa-dala-dalawa.
Halos ang mga vaccination center ay tila libingan ng mga buhay. Marami pa raw ang nagpaparehistro sa darating na halalan ng barangay at kabataan.
Nitong linggo nga, higit pa ang bilang ng mga daliri sa dalawang kamao kaysa bilang ng mga bagong kaso. Kung baga sa pagpapalista sa eleksyon, langaw ang binibilang, hindi mga botanteng kagustuhan lamang ay mapabilang sa mga boboto. Kaya naman, mahalaga na maunawaan ang agos ni Covid. Sinasabing kailangan ng pangatlong booster shot. Ang ngalan ay Bivalent, isang makabagong bakuna na nadisensyo upang puksain ang anumang abilidad na makahawa sa sangkatauhan. Ang siste nga, nang binuksan ang vaccination centers, napakatumal ng mga
nagpunta, mabibilang din sa mga daliring ng iisang kamao ang dumating at buong nasang inialay ang kanilang braso upang maturukan ng pangatlong booster shot.
Tulad ng nabanggit na, ating binisita ang bakunahan sa isang vaccination center, para sa sinasabing Bivalent ng siyang panlaban sa mga bagong likhang mga anak ni Covid Omicron. Eto si Pinoy at Pinay, punong abala sa mga paghahanap-buhay. Hindi alintana na si covid ay naririyan pa rin. Nag-aabang ng mga mahahawahan. Eh ano nga naman kung maka-5 bagong kaso, para ke covid, tagumpay pa rin na makapaghasik ng lagim. Ganito na nga ba tayong mga Pinoy? Nandyan pa rin si
covid, pero marami sa ating mga kababayan ang tila higit na pansin ang pag-usad ng buhay at ng pamumuhay. Abala sa mga pang-araw-araw na pangangailangan, sa pangunguna ng paghahanapbuhay na dapat hindi pinalalampas dahil arawan ang karamihang mga manggagawa.
Hindi maikakaila na importante sa atin ang lumalaban para sa buhay at sa hanap-buhay. Lahat nga naman ay nagmamahalan — bigas, sibuyas, kamatis. Pati na aratiles ay binibili na rin. Pamatid-gutom nga naman. Kaya naman, nakakabahala ang balitang nandyan pa si Covid, may bagong variant na muling maghahasik ng pangamba at lagim sa isang sambayanang lampas dalawang taong singkad ang nanalasa sa atin. Kakaiba nga naman ang sitwasyon sa atin dine sa Baguio. Padala-dalawa ang average count ng new cases. Gayong pa-lima-lima na ang akyat ng numero, para pa ring dos por dos ika nga. Kaya pala, tila walang katinag-tinag tayong tagaBaguio kahit na bulagain pa rin sila ni EG.5, ang bagong supervariant.
Idagdag pa na pwede na raw mag third dosage ng bakuna, sinasabi ring pinakabagong bakunang kayang lupigin at supilin si covid. O, ayun, parang dumaang hangin ang mga paalala ng kinauukulan. Bisnis as usual, ika nga. Ang komento nga ng aking barbero, kung mismo ang ating Ama ng Lungsod, si Mayor Benjie, ay may pagakabahala na, tayo pa kaya. Tayo pa kayang walang
pinaghuhugutan na A.I. support system. Tuloy pa rin sa pagaasikaso at pagsasa-ayos si MBBM sa mga sandamakmak na tungkulin ng kanyang tanggapan. Mga VIP guests sa iba’t ibang mga lugar. Mga opisyal ng ibang pamahalaang local.
At maging mga miyembro ng gabinete ni PBBM, eto paboritong pasyalan ang Baguio. Paboritong puntahan upang bulagain ng mga ginagawa upang Smart at Safe City ang lungsod. Senyales na nga raw ang mga pababa ng pababang bagong kaso. Nasa huling hingalo na si Covid. Kinakapusan na ng final breath. Papalapit na sa huling hantungan. Kulang na lang ang pinakapenal na panalangin. Tulad ng sinabi ni Mayor, huwag ng magpaka-kampante ng tuluyan, at siguro naman, nasa huling hininga na si Covid. Ang mahalaga, patuloy nating pangalagaan ang ating mga sarili. Sa panahong patigok-tigok na si Covid, huwag pa rin tayong padadala sa simbuyo ng katuwaan upang kampante ng salungain ang panganib ng pagkakahawa.
August 11, 2023
October 12, 2024
October 12, 2024
October 12, 2024
October 12, 2024
October 12, 2024
October 5, 2024