“PARTIAL JUSTICE” BA ANG NAKAMIT NI DORMITORIO

Isa sa pinaka-kontrobersiyang pangyayari sa loob ng Philippine Military Academy (PMA) ay ang pagkamatay ni Cadet 4th Class Darwin Dormitorio noong 2019 dahil sa hazing. Ang diumano’y punot’-dulo ng pambubugbog sa kaniya ay ang “nawawalang pares ng military boots” na ipinagkatiwala sa kaniya ng isang upper class na kadete. Nagsampa ang pamilya ni Darwin ng mga kriminal na kaso laban sa ilang upper class na kadete at tatlong medical officers ng PMA Hospital.

Matapos ang halos apat na taon ay naglabas na ng isang resolusyon sa kaso ang Municipal Trial Court for Cities Branch 1 sa Baguio City kung saan napatunayang nagkasala ang dalawang kadete ng PMA na sina Cadet 3rd Class Julius Carlo Tadena sa kasong less pfysical injuries at Cadet 2nd Class Christian Zacarias sa kasong slight physical injuries. Pinawalang-sala ng korte si dating Lt. Col. Ceasar Candelaria dating hepe ng PMA Station Hospital at medical officers na sina Capt. Flor Apple Apostol at Major Maria Ofelia Beloy sa kasong reckless imprudence resulting in homicide.

Inutusan ng korte sina Tadena at Zacarias na pagdusahan ang kasalanan sa loob ng 30 araw ng aresto menor at magbayad ng tig-PhP100,000 sa pinslang moral (moral damages) at PhP50,000 na attorneys’ fees. Bago ang resolusyon ay nanatili ang dalawang akusado sa isang custodial facility ng PMA mula pa noong Enero 14, 2020. Ang naging hatol ay isang malungkot at masayang panalo para sa pamilya Dormitorio at tila bahagyang hustiya pa lamang ang nakakamit. Bagamat tanggap nila ang desisyon ay hindi nila maiwasang madismaya dahil ang “hatol na nagkasala” sila ay nagpapatunay lamang na may pananagutan sila sa pagkamatay ni Darwin.

Inaasam ng pamilya Dormitorio na nararapat sana ang mas mabigat na parusa sa dalawang kadete at ang sentensiya ay tila hindi katapat ng ginawa nila at kamatayan ni Darwin. Sa pagwalangsala sa mga doktor ng PMA sa kasong reckless imprudence resulting in homicide ay sinabi ng korte na hindi naitatag ng prosekusyon na kung paano hindi maayos na nasuri o nagamot si Darwin sa ospital ng PMA. Sa pananaw at pagtingin ng mga ordinaryong tao ay tila hindi nga katanggap-tanggap ang naging hatol, subalit naniniwala pa rin kami sa kakayahan, wisyo at talino ng mga
hukom na humahawak sa mga kaso at nananalig sa mga proseso.

Lubhang masalimuot ang bawat kaso at mabusisi ang bawat detalye nito na mga “eksperto” lamang sa batas ang makakatalos nito. Umaasa kami na sa mga nalalabi pang kasong kriminal na nasa ibang mga korte laban sa mga akusado, anuman ang maging kalabasan ay maging “tunay” na pag-iral ng hustisya – managot ang may-sala at mapawalang-sala ang mga inosente, dahil nakakalungkot isipin na ang isang biktima ay muling maging biktima. Itigil na ang tradisyon ng “katay” o hazing.

Amianan Balita Ngayon